VATICAN CITY – Naghayag si US President Donald Trump nitong Miyerkules ng pag-asang mabilis na gagaling si Pope Leo matapos itong ma-diagnose na may lung cancer.
“I want to see Pope Leo get well,” ani Trump sa mga mamamahayag. “I just want to wish him well, get better fast.”
Ayon sa Vatican, na-diagnose na may lung cancer ang 71-anyos na Santo Papa matapos tanggalin ng mga surgeon ang bahagi ng kanyang kanang baga nitong Martes.
Sinabi rin ng Vatican nitong Miyerkules na maayos ang takbo ng paggaling ni Pope Leo matapos ang operasyon. Nakapagsimula na rin siyang maglakad sa loob ng kanyang silid sa ospital at kumain nang normal.
Sa kabila ng pagbati ni Trump, naging kritikal sa isa’t isa ang dalawa sa nakaraan.
Bilang kauna-unahang Amerikanong Santo Papa, nanawagan si Leo ng “deep reflection” sa Estados Unidos tungkol sa pagtrato sa mga migrante sa ilalim ng administrasyong Trump. Tinawag din niyang “extremely disrespectful” ang pagtrato ng administrasyon sa mga imigrante at binatikos ang tinawag niyang “inhuman treatment” sa kanila.
Sa usapin ng foreign policy, hindi sumali ang Vatican sa “Board of Peace” na inisyatiba ni Trump para sa Gaza. Binatikos din ng Santo Papa ang digmaang inilunsad ng US at Israel laban sa Iran.
Sa isang online post noong unang bahagi ng taon, tinawag naman ni Trump si Leo na “terrible for Foreign Policy” at “WEAK on Crime.”
Noong nakaraang buwan, sinabi rin ni Leo na dapat seryosohin ang mga pangamba na maaaring magdulot ng pagkawasak ng mundo ang artificial intelligence (AI). Itinuturing itong tila pagpuna kay Trump, na nagsabing “hoax” ang mga pangambang banta sa sangkatauhan ang teknolohiya. RNT/MDS