MANILA, Philippines – Handang humarap sa anumang imbestigasyon laban kay Vice President Sara Duterte si Ramil Madriaga.
Matatandaan na isinama sa ikalawang impeachment complaint laban kay Duterte ang mga alegasyon ni Madriaga.
Sa news forum nitong Sabado, Pebrero 7, sinabi ni Atty. Raymund Palad, legal counsel ni Madriaga, na inaasahan na ng kanyang kliyente na iimbitahan siya sa Kamara, Senado o Ombudsman kasunod ng paglalabas niya ng affidavit.
“So ‘yung willingness niya is “yes,” basta maka-receive siya ng subpoena, ipatawag maga-appear po siya,” ani Palad.
Isinama sa impeachment complaint ng Tindig Pilipinas laban kay Duterte ang testimonya ni Madriaga.
Inendorso ni ML Party-list Rep. Leila de Lima at Akbayan Rep. Percy Cendaña ang naturang impeachment complaint.
Si Madriaga ang nagsabi na siya ay dating aide ni Duterte at pinopondohan umano ng mga drug dealer at operasyon ng POGO ang Inday Sara Duterte is My President (ISIP) Pilipinas national campaign at iba pang parallel groups.
Itinanggi naman ni Duterte na may personal siyang ugnayan kay Madriaga at sinabing tangka itong pagharang sa posible niyang pagtakbo bilang presidente sa susunod na halalan.
Samantala, sinabi ng abogado ni Madriaga na pinag-aaralan nila ang posibilidad na mag-apply sa WPP ang kliyente para sa kaligtasan nito na ngayon ay naka-detain sa Bureau of Jail Management and Penology-National Capital Region (BJMP-NCR) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City mula pa noong 2023 dahil sa kaso ng kidnapping.
Nakakuha ng impormasyon mula sa BJMP personnel ang kampo ni Madriaga na mayroong pabuya na tumatarget sa kanyang kliyente. RNT/JGC