TACLOBAN CITY – Patay ang isang anim na taong gulang na batang babae at sugatan ang kanyang ina matapos silang masagasaan ng pampasaherong bus noong Miyerkules, Setyembre 4, sa Maharlika Highway sa Barangay Tinambacan Norte, Calbayog City, Samar.
Mula Maynila patungong Tacloban City ang bus nang mabangga nito ang mga biktimang sina Dina, 25-anyos na tagabantay ng meat shop, at anak nitong si Ina, Grade 1 student, kapwa residente ng Barangat Tinambacan Norte.
Sinabi ng pulisya na tumatawid ang batang babae sa kalsada nang tangkaing iligtas siya ng kanyang ina sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay para hudyat na huminto ang paparating na bus.
Gayunpaman, nabigo ang bus sa pagpreno sa oras at natamaan ang mga biktima.
Nagtamo ng mga sugat ang mga biktima at dinala sa Saint Camillus Hospital sa Calbayog City.
Idineklarang dead on arrival ang bata at nananatili sa ospital ang kanyang ina.
Nasa kustodiya ng Calbayog City police ang driver at ang bus. RNT