Home METRO Mag-utol nasamsaman ng P700K shabu

Mag-utol nasamsaman ng P700K shabu

APARRI, Cagayan – Tinatayang halos mahigit P700,000.00 halaga ng shabu ang nasamsam sa tinaguriang High Value Target sa isinagawang search warrant ng Philippine Drug Enforcement Agency 2 – Regional Special Enforcement Team (PDEA2-RSET), Regional Drug Enforcement Unit 2 at Aparri Police Station sa Brgy. Minanga, Aparri, Cagayan.

Ayon kay PMaj. Ignacio Dijun Dinulong Jr., hepe ng Aparri Police Station, naaresto ang magkapatid na sina alyas “Jun”, 28-anyos at alyas “Eva”, 23-anyos na kapwa residente ng nabanggit na lugar na matagal nang minamanmanan ng pulisya dahil sa kanilang transaksyon sa illegal na droga.

Halos umaabot sa 140 gramo ng shabu ang narekober sa magkapatid, drugs paraphernalia at bala ng hindi pa mabatid na uri ng baril.

Posibleng galing sa Maynila ang mga narekober na pinaniwalaan umanong shabu saka ibinibenta dito sa nasabing lugar at karatig bayan.

Pansamantalang nasa kustodiya ngayon ng kapulisan ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Rey Velasco