MANILA, Philippines – Binuksan ng Magat Dam ang isang gate nitong Lunes ng umaga, Agosto 25 upang magpakawala ng tubig bilang paghahanda sa epekto ng low-pressure area (LPA) at Habagat, ayon sa PAGASA.
Sa hydrological situationer, sinabi ng PAGASA na nasa 461.33 cubic meters per second (cms) ang pinakakawalang tubig mula sa dam bandang alas-8 ng umaga, habang naitala ang water level sa 188.59 meters.
Kabilang sa mga posibleng maapektuhang lugar sa Isabela ay ang Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Burgos, Naguilian, at Gamu, gayundin ang Alfonso Lista sa Ifugao.
Tinatayang makakaranas ng 15 hanggang 25 millimeters na ulan ang Magat River Basin sa susunod na 24 oras, ayon pa sa ahensya.
Samantala, ang LPA ay namataan 365 kilometro silangan ng Maasin City, Southern Leyte dakong alas-3 ng madaling araw, habang patuloy namang umiiral ang Southwest Monsoon o Habagat sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon.
“Residents and the local disaster risk reduction and management councils concerned are still advised to take necessary precautionary measures,” paalala ng PAGASA. RNT/JGC