Manila, Philippines – Dalawang gawang Pinoy ang tampok ngayong linggo matapos aprubahan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pampublikong pagpapalabas ng “100 Awit Para Kay Stella” at “Magellan.”
Ang “100 Awit Para Kay Stella” na pinagbibidahan nina Bela Padilla, JC Santos at Kyle Echarri, ay rated PG (Parental Guidance). Ito ay para sa mga edad 12 at pababa basta’t may kasamang nakatatanda.
Kasunod nito ang “100 Tula Para Kay Stella” at tampok ang muling pagtatagpo nina Stella at Fidel matapos ang 15 taon.
Samantala, ang “Magellan” ang pambato ng Pilipinas sa 98th Oscar Academy Awards sa Best International Feature Film. Ito’y rated R-16 para sa edad 16 at pataas.
Mula sa panulat at direksyon ni Lav Diaz, ang pelikula ay bunga ng pitong taong pagsasaliksik ni Diaz mula sa iba’t ibang makasaysayang tala, tradisyon at mga hindi kilalang kwento. Binibigyang-diin nito ang kwento ng mga Malay sa Pilipinas, Malaysia at Indonesia.
Swak naman para sa pamilyang Pilipino ang handog ng Studio Ghibli Movie Festival na anim na animated films–“Ponyo on the Cliff by the Sea,” (rated G, angkop sa lahat ng manonood); “Princess Mononoke,” (PG); “Spirited Away,” (PG); “My Neighbour Totoro,” (PG); “Nausicaa of the Valley of the Wind,” (PG); at “The Wind Rises,” (PG).
Rated PG din ang historical drama na “Downton Abbey: The Grand Finale,” tungkol sa buhay at pakikipag-ugnayan ng pamilyang Crawley at mga kawani ng Downton Abbey.
Sakto naman para sa mga mahilig sa katatakutan ang rated R-16: “Caught Stealing,” isang American dark comedy crime thriller tungkol sa buhay ng isang dating baseball player na nadawit sa isang mapanganib na gawain sa New York City noong 1990. Habang ang supernatural horror na “Witchboard,” ay tungkol sa magkasintahang nagtayo ng isang kainan at nakatagpo ng isang isinumpang spirit board.
Hinikayat ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto ang publiko na patuloy na tangkilikin ang iba’t ibang pelikula na palabas ngayon sa mga sinehan.
“Ang sine ay higit pa sa libangan, ito ay isang selebrasyon ng kultura at pagiging malikhain, at sa bawat palabas ay pinagtitibay namin ang aming pangako na protektahan ang mga manonood, particular ang kabataang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na klasipikasyon, habang sinusuportahan ang industriya ng pelikulang Pilipino,” sabi ni Sotto. JP Ignacio