AKLAN — Pisak ang magkapatid matapos mabagsakan ng bucket ng backhoe habang nagtatanggal ng transmission ng isang 12-wheeler truck nitong Huwebes sa bayan ng Banga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jonel Tamayo at Jommel Tamayo, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Cortes, Balete, Aklan.
Batay sa report ng Banga Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong hapon ng Huwebes, Setyembre 4, 2025, sa Brgy. Libas ng nasabing bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na tinatanggal ng magkapatid ang transmission ng 12-wheeler truck nang biglang sumabog ang hydraulic pump supply ng backhoe. Dahil dito, kumalas ang bucket at bumagsak sa magkapatid na Tamayo na naging sanhi ng kanilang agarang kamatayan.
Naging pahirapan naman para sa mga rumespondeng otoridad ang pagkuha sa bangkay ng magkapatid dahil sa bigat ng bucket ng backhoe na bumagsak.