Home SPORTS Magramo idineklarang bagong WBC International light fly champ

Magramo idineklarang bagong WBC International light fly champ

Hinirang si ARVIN “Hurricane” Magramo ng Paranaque City bilang bagong World Boxing Council International light flyweight champion.

Tinalo ng 28-anyos na si Magramo ang dating world champion na si Rene Mark “Might Mouse” Cuarto ng Zamboanga del Norte via unanimous decision noong Huwebes ng gabi, Marso 20 sa Blow-by-Blow sa Okada Manila Hotel and Casino sa Paranaque.

Dalawang beses na pinasadahan ni Magrano si Cuarto sa 5th round. Una niyang pinabagsak si Cuarto gamit ang isang body shot pagkatapos ay muli siyang pinababa sa kanto malapit sa mga lubid.

Si Magramo ay mayroon na ngayong 19 na panalo na may dalawang talo at isang tabla habang si Cuarto ay naranasan ang kanyang ika-8 kabiguan laban sa 23 panalo at dalawang tabla.

Samantala, pinahinto ni Roderick “The Bone Crusher” Bautista ng General Santos City si Alec Xandrhe “The Rock” Bonita ng Mandaue sa 3rd round sa pamamagitan ng technical knockout.

Si Bonita, na nauna nang natumba habang nag-backpedaling, ay tumanggi na magpatuloy sa pakikipaglaban.

Ang 20-anyos na si Bautista, na nanatiling walang talo na may 8 panalo at anim dito ay via knockout, ay nanalo sa laban ngunit hindi niya nakuha ang WBC Asia Silver flyweight trophy matapos na hindi niya maabot ang tamang timbang.

Naranasan ni Bonita ang kanyang unang kabiguan pagkatapos ng walong panalo at dalawang tabla,

Inanunsyo ng promoter na si Manny Pacquiao na ang big-time titles fight ay gaganapin sa deck sa Oktubre 4 sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Thrilla sa Maynila.