Home OPINION MAGSANAY VS. LINDOL

MAGSANAY VS. LINDOL

163
0

MAGKASING-LAKAS ang lindol kamakalawa sa Taiwan at ang inaasahan nating lindol sa Mega Manila na The Big One.

Parehong nasa magnitude 7.2 ang lakas at magdedepende na lang ang intensity o epekto nito sa ibabaw ng lupa sa galaw ng ng bitak sa ilalim ng lupa.

Nasa 33 kilometro sa ilalim ng lupa naggalawan ang mga bitak pero nasa number 6 ang intensity ang naganap sa Taiwan.

Ano naman kaya ang intensity ng The big One kung magaganap ito?

Tatandaan na may mga bitak ito na nakikita sa iba’t ibang lugar sa Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite at Laguna.

Maaaring mababaw ang bitak na gagalaw dahil nga sa mga nakikitang bitak.

At kung magkagayun, maaaring malakas ang intensity at aabot sa intensity 8, ayon na rin sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa ilalim ngayon ni Director Dr. Teresito Bacolcol.

ANO ANG MANGYAYARI?

Sa nakalipas na 1,400 taon, apat beses nang gumalaw ang The Big One at sa tantiya ng mga eksperto, anomang araw gagalaw muli ito.

Gaano kalawak ang The Big One?

Tantiya ng iba, aabot ang pinakalamakas na intensity nito ilang kilometro sa labas ng mga bitak at, kung ganoon, kahit ang Manila, Navotas, Malabon, Pasay, Marikina at iba pang lungsod ng Metro Manila ay matatamaan.

Ayon sa mga pag-aaral ng Metro Manila Development Authority, Japan International Cooperation Agency at Phivolcs, maaaring nasa 34,000 ang agad na mamamatay pagdating ng The Big One.

Posibleng darami pa mula sa mga masusugatan, maaatake sa puso at iba pa at kalamidad ‘yan sa buhay ng tao.

MAGIGIBA AT IBA PANG KALAMIDAD

Maaari umanong unang magiba ang mga low cost housing dahil marurupok ang mga ito.

Pero walang nakatitiyak sa kaligtasan ng mga gusali na matatayog gaya ng mga condominium sa lawak umano ng korapsyon sa paggawa ng mga ito.

Sa rami ng mga gibang gusali na babagsak at haharang sa mga daanan, walang tiyak na ayudahang emergency na magaganap dahil magigiba rin ang mga paliparan, tulay at kalsada kaya mahaharang ang mga eroplano, ambulansya, trak ng bumbero, police at military truck.

Magkakasunog din, mawawalan ng mga kontak sa telepono at internet, may mga ospital na magigiba at masusunog, mawawala ang suplay ng tubig at marami pang iba at alam na natin ang epekto ng mga ito.

Paano ang tsunami na maaaring magmumula sa Laguna de Bay at Manila Bay?

Kung magaganap lahat sa gabi, sa kasagsagan ng tulog ng mga mamamayan, paano?

May 15 milyon ang naninirahan sa Metro Manila lamang at nasa 5 milyon ang apektado sa Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.

Nangangahulugang napakarami ang apektado at walang mayaman at mahirap sa ganitong sitwasyon.

ILANG GAGAWIN?

Mag-ehersisyo ang lahat laban sa lindol, maghanap ng mga ligtas na pupwedeng takbuhan ng mga tao at marami pang iba.

Nasa kamay ng pamahalaan ang pangunahing tungkulin para ihanda ang mga mamamayan tungo sa kaligtasan.

Paglaanan dapat ang paghahanda laban sa The Big One ng malaking halaga, higit na malaki kaysa ginagastos para sa Cha-cha at iba pang kampanya para siraan ang isa’t isa kaugnay ng nalalapit na halalang 2025.  

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here