MANILA, Philippines – Sinabi ng pamahalaan na mas pinalalim pa ng Pilipinas at Vietnam ang kanilang ugnayang pang-agrikultura, sa pagpapatibay ng mahalagang kasunduan sa suplay ng bigas sa isinagawang high-level meeting sa sidelines ng ASEAN Summit sa Cebu.
Nakipagpulong nitong Huwebes si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa bagong halal na Prime Minister ng Vietnam na si Lê Minh Hưng, kung saan ito rin ang kauna-unahang ASEAN Summit ng nasabing lider.
Kasama ang ilang mga kalihim at opisyal, ginunita rin ng dalawang lider ang ika-50 na anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Vietnam, at tinalakay ang mga hakbang upang mapalawak ang kooperasyon sa kalakalan, turismo, agrikultura, at ekonomiya.
Binigyang-diin ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang agarang pangangailangan na magseguro ng maaasahang suplay ng bigas mula sa Vietnam, na pangunahing pinagkukunan ng bigas ng bansa.
Aniya, ang tumataas na pangangailangan sa rehiyon—na pinalala ng krisis sa Gitnang Silangan—at ang posibleng epekto ng panibagong El Niño sa produksyon ng agrikultura, ang nagtulak upang gawing matatag na pag-aangkat.
Ayon kay Tiu Laurel, nais ng Vietnam na magtatag ng pangmatagalang trade framework para sa bigas at iba pang produktong agrikultural.
“Maging ang Vietnamese prime minister ay paulit-ulit na binigyang-diin ito sa bilateral meeting,” dagdag niya.
Nagkasundo ang dalawang bansa sa isang taong kasunduan para sa 1.5 milyong metriko toneladang bigas upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay hanggang Abril 2027.
“Napakahalaga ng pagtiyak sa import volume hanggang sa susunod na Abril sa gitna ng mga geopolitical uncertainty at panganib dulot ng klima,” ani Tiu Laurel, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng matatag at predictable na suplay upang mapanatiling matatag ang presyo ng bigas.
Bigas ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino at may malaking epekto ito sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin, na noong Abril ay umabot sa pinakamataas nitong antas sa nakalipas na tatlong taon na 7.2 porsyento.
Sinabi rin ng DA chief na napagkasunduan na rin ang presyo at logistics ng kalakalan, kung saan pumayag ang magkabilang panig sa presyong USD450 kada metriko tonelada para sa tanyag na DT8 rice.
Bagama’t nakatuon ang negosasyon sa bigas, maaari rin umano itong magsilbing modelo para sa mas malawak pang kooperasyong pang-agrikultura.
Umaayon ang kasunduang ito sa layunin ni Pangulong Marcos Jr. na palakasin ang mas matibay na kalakalan sa loob ng ASEAN.
“Bahagi ito ng ating layunin na mas mapalalim pa ang kalakalan sa pagitan ng mga bansang ASEAN—isa pa itong hakbang tungo sa mas matatag na regional integration,” ani Tiu Laurel.
Bukod sa pagtiyak ng sapat na suplay ng bigas para sa lokal na konsumo, ipinapakita rin ng kasunduan ang pangako ng mas malalim na kolaborasyon sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng pangmatagalang ugnayan sa malalaking rice producers gaya ng Vietnam, layunin ng Pilipinas na mabawasan ang pabago-bagong kalagayan ng merkado at mapatatag ang presyo ng bigas sa lokal na pamilihan. Santi Celario