MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang mga magsasaka ang pundasyon ng agrikultura sa bansa.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa isinagawang distribusyon ng Certificates of Land Ownership Awards (CLOAs) at Certificates of Condonation with Release of Mortgages (CoCROMs) sa Sarangani, tinukoy ni Pangulong Marcos ang sipag at dedikasyon ng mga magsasaka sa pagpo-produce ng high value crops.
“Kayo pong ating mga magsasaka ang haligi ng sektor ng agrikultura. Kung hindi dahil sa inyong sipag at dedikasyon sa inyong trabaho, hindi po magkakaroon ng sapat at masustansyang pagkain ang mga kababayan natin. Kaya napakahalaga po ng sektor ng agrikultura at ang tungkulin ng mga magsasaka,”ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Ang inyong probinsya ay kilala sa iba’t ibang high value crop tulad ng mais, ng niyog, palay, saging, at iba pa. Dahil dito, tayo ay nagsisikap pa na mapalago ang sektor ng agrikultura, hindi lamang dito sa inyong rehiyon kung hindi pati na sa buong bansa,” aniya pa rin.
Muli namang inulit ng Chief Executive ang whole-of-nation approach para gawing modernisado at makapagbigay ng non-stop support sa agriculture sector.
“Gaya po ng sabi ko kanina, patuloy po ang national government, kasama ang lokal na pamahalaan, sa pag-iisip ng mga bagong paraan kung papaano pa kayo na masuportahan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Pinag-aaralan po namin ang mga hakbang upang makasabay ang sektor ng agrikultura sa modernong pamamaraan [ng] pag-aanii,” aniya pa rin. Kris Jose