MANILA, Philippines – PERSONAL na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang nagpapatuloy na rehabilitasyon ng Maharlika Highway sa Pinabacdao, Samar, tinatayang makapagbabawas ng oras sa byahe sa pagitan ng Tacloban City at Catbalogan City mula tatlong oras ay magiging 45 minuto na lamang.
Ang rehabilitation project ay nakatakdang matapos ngayong Agosto at inaasahan na mapahuhusay ang pagkakakonekta sa pagitan ng dalawang lungsod at ng buong rehiyon.
Kasama ni Pangulong Marcos si Public Works Secretary Vince Dizon sa isinagawang inspeksyon.
Ang rehabilitasyon ng Maharlika Highway, itinuturing na pinakamahabang road network ng bansa, naglalayong bawasan ang transportation expenses, ayusin ang logistics operations para sa mga magsasaka at business owners, at gawing mahusay ang access sa healthcare at education services.
Mapabibilis nito ang paghahatid ng relief goods at suportahan ang recovery and response operations sa panahon ng kalamidad.
Ang Maharlika Highway, kilala rin bilang Pan-Philippine Highway, mayroong mahigit na 3,300 kilometers ang kahabaan, nagko-konekta sa Luzon, Visayas, at Mindanao sa pamamagitan ng sistema ng lansangan, expressways, mga tulay at Ro-Ro routes.
Ang rehabilitasyon ay nagkakahalaga ng P16 billion, base sa initial figures mula sa Department of Public Works and Highways. KRIS JOSE