MANILA, Philippines – SINABI ng Quezon City government na dahil sa walang tigil na pag-ulan bunsod ng bagyong Enteng ay umakyat na sa 642 na pamilya ang kinailangan ilikas mula sa 11 barangay sa Quezon City dahil sa baha, nitong Lunes, Setyembre 2.
Ayon sa QC government, ang 642 na pamilya na inilikas o mahigit 2000 na katao ang kasalukuyang nasa 11 evacuation centers.
Nabatid pa sa QC gov’t na kabilang sa mga inilikas na pamilya ay mula sa Barangay Damayan, Bagong Silangan, Commonwealth, Holy Spirit, Payatas, Dona Imelda Marcos, Roxas, Tatalon, Sta Lucia, Apolonio Samson, at Pasong Tamo.
Kaugnay nito, tuloy-tuloy naman ang isinasagawang pagtulong ng QC government sa pangunguna ng QC DRRMO (Disaster Risk Reduction & Management Office) sa mga naapektuhan ng mga pagbaha dulot ng bagyong Enteng sa pamumuno na rin ni QC Mayor Joy Belmonte.
Kabilang sa inaasahang problema ng local government unit sa tuwing naaapektuhan ng baha ang mga lungsod sa Metro Manila ay ang nagkalat na basura na inanod ng baha. Santi Celario