MATAPOS ang magkakasunod na bagyo at habagat, nag-inspeksyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, sakay ng helicopter, sa mga lugar na sinalanta ng baha.
Nakita ni Pangulong Marcos ang malawakang pagkalubog sa tubig-ulan, partikular ng malaking bahagi ng Luzon.
Kaya sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address noong Lunes, inamin ni PBBM na palpak ang kanyang administrasyon sa pagsugpo sa baha, lalo’t ipinagmalaki niya ang natapos na 5500 flood control projects sa nauna niyang SONA.
Aniya, ang flood control projects ay sub-standards kaya nag-collapse at ang karamihan ay guni-guni.
Ibig sabihin ng guni-guni ay wala naman talagang naitayong proyekto. Papel lang o drawing. Malinaw na ninakaw lang ang pera.
Aminado si PBBM na may mga nagbulsa sa pondo para sa flood control. Saludo tayo sa kanyang pag-amin na palpak ang mga nasabing proyekto.
Pero ang kanyang pagtuturo o paninisi ay isang panibagong kapalpakan.
Tama naman siya na habulin ang mga kawatang nagnakaw sa pondo ng bayan pero bilang lider ng bansa, dapat din siyang sisihin.
Bago niya ipinagmalaki na tapos na ang mga proyektong ito, hindi ba muna siya nagsuri? Hindi ba niya muna inalam kung naibuhos nga nang tama ang salapi sa pagpapagawa? Bakit ngayon lang? Dahil ba bumulaga mismo sa kanyang harapan ang katotohanang palpak siya at ang kanyang mga alipores.
Tatlong taon na ang nakalipas at ito ay naulit na naman.
Nangyari na ang malawakang pagbaha. Marami nang ari-ariang nasira. Marami na namang buhay na nawala.
Ngayon, gusto mong palabasing ikaw ay walang kasalanan. Ikaw ang bida at iba ang sinisisi.
Gusto mong kasuhan at maipakulong ang mga kawatan at ikaw ay hindi?
Aba’y MAHIYA KA NAMAN!






