MANILA, Philippines – Kapwa pinuri nina Senate President Sherwin Gatchalian at Senador Bam Aquino ang makasaysayan at kauna-unahang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa magkahiwalay na pahayag, kapwa kinondena din nina Gatchalian at Aquino ang karahasang nangyari sa pagdaraos ng halalan sa BARMM na umabot sa 4 patay at 19 sugatan sa election-related incidents nitong Setyembre 14-15.
Ayon kay Gatchalian, lubhang kapuri-puri ang mamamayan ng Bangsamoro sa pagtupad ng kanilang karapatang bomoto ng kanilang lider kabilang ang mga guro at law enforcement agencies na lumahok upang maging “generally peaceful” ang halalan.
“The BARMM election is a historic milestone for autonomy and democratic transition. I commend the Bangsamoro people for exercising their right to choose their leaders alongside teachers and law enforcers who helped ensure a generally peaceful exercise. I am confident that this will pave the way for lasting peace and economic development in Mindanao,” ayon kay Gatchalian.
“Sa kabila nito, mariin kong kinokondena ang karahasan at pandaraya. Dapat itong maimbestigahan at mapanagot ang mga lumabag sa batas. Ngayong tapos na ang eleksyon, nananawagan ako ng pagkakaisa para sa mas maunlad at mapayapang BARMM,” giit ng lider ng Senado.
Pinuri din ni Aquino ang Bangsamoro na lumahok sa halalan na binalot ng karahasan at pandaraya sa ilang lugar.
“We commend the Bangsamoro people for exercising their right to choose their next leaders in the successful conduct of their historic first parliamentary elections, despite the violence and other election-related incidents that marred the polls,” ayon kay Aquino.
Umaasa si Aquino na magkakaisa at magtutulungan ang lahat ng nagwagi para sa mapayapang pagbuo ng regional government na mangunguna tungo sa isang matatag, maunlad, at mapayapang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at sa buong Mindanao.
“We support the Commission on Elections (Comelec) in their investigation to resolve all election-related offenses, including the discovery of pre-shaded ballots in Maluso, Basilan,” ayon kay Aquino.
Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay isang autonomous region sa timog Pilipinas na nabuo matapos ratipikahan ng mga botante ang Bangsamoro Organic Law sa plebisito noong 2019.
Pinalitan nito ang dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Ito ang bunga ng dekadang peace process sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos ang mahigit 50 taong bakbakan na ikinamatay ng mahigit 120,000 katao at ikinadisplace ng 2 milyon.
Sakop ng BARMM ang mga lalawigan ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Tawi-Tawi, Cotabato City at Special Geographic Area sa North Cotabato. May populasyon itong nasa 4.5 milyon at may 2.4 milyong rehistradong botante para sa halalang ito.
Mula 2019, pinamunuan ito ng interim government na Bangsamoro Transition Authority (BTA) hanggang sa maitalaga ang unang halal na parlamento. Noong Setyembre 14, 2026, isinagawa ang kauna-unahang parliamentary elections — ang itinuturing na “fruition of an entire peace process.” Ernie Reyes