
AYON naman sa isang aktibong lingkod-simbahan sa parokya na si Sis. Luzviminda Bago, nagsimula ang isang taong pagdiriwang ng ika-400 taong pagkakatatag ng parokya noong Setyembre 3, 2024 at kada buwan sa loob ng isang taon ay may mga nagaganap na makabuluhang aktibidad at proyekto kagaya ng tree planting, clean and green, medical mission, mga kawanggawa at iba pa.
Dagdag pa niya, matatapos ang isang taong pagdiriwang sa Setyembre 3, 2025, at para sa kaalaman ng lahat, ang Setyembre 3 ay Kapistahan din ng pintakasi ng bayan ng Indang na si St. Gregory the Great or si San Gregorio Magno.
Ang tampok at makasaysayang pagdiriwang ay naganap na nitong Mayo 30, 2025 kung saan naging panauhin ang Papal Nuncio to the Philippines na si Archbishop Charles Brown na siya ring namuno sa Banal na Misa para sa pagdiriwang ng ika-400 taon ng pagkakatatag ng Saint Gregory the Great Parish sa Indang, Cavite.
Sa kabilang banda, nakatuwang naman ni Archbishop Brown sa pagdiriwang sina Imus Bishop Reynaldo Evangelista at Kura Paroko ng St. Gregory the Great Parish na si Rev. Fr. Marty Dimaranan. Dumating at naging bahagi rin ng selebrasyon ang mga lider ng Pamahalaang Bayan ng Indang sa pamumuno ni Mayor Perfecto Fidel.
Ang Banal na Misa ay dinaluhan ng mga Pari mula sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan ng Cavite o mula sa ilalim ng Diocese of Imus. Dumalo rin ang mga relihiyoso’t relihiyosa, mga mananampalataya, mga deboto ni San Gregorio Magno at ng buong sambayanang Katolikong Kristiyano sa Indang, Cavite.
Matapos ang Banal na Misa ay nagkaroon ng programang pagtatanghal ang ilang mga piling personalidad sa larangan ng pagkanta, pagsayaw at iba pa kasabay ng salu-salong piging habang kinagabihan naman ay ginanap ang prusisyon ng larawang pinta ng Seven Archangels de Yndang na pangalawang patron ng parokya, imahen ng Nuestra Señora Virgen Del Rosario de Yndang at ang imahen ng patron ng parokya na si San Gregorio Magno de Yndang.
Nagtapos ang prusisyon at pagdiriwang ng araw o gabing iyon sa isang simpleng fireworks display at salu-salong hapunan.
Nuestra Señora Virgen Del Rosario, Pitong Arkangheles, San Gregorio Magno, ipanalangin mo kami. Pinakamataas na pagsamba, papuri at pasasalamat ay tanging sa iyo lamang aming Panginoong Diyos sa langit.
PERSONAL: Happy 34th Anniversary REMATE Ang Diaryo ng Masa.