MANILA, Philippines- Nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Taguig City Regional Trial Court (RTC) na nagbabawal sa Makati na pigilan ang Taguig na kunin nang buo ang public properties sa EMBO barangays.
Sa kautusan ng mababang korte, mananatiling epektibo ang TRO sa loob ng 72 oras.
Sinabi ng korte na naipakita ng plaintiff ang kahalagahan ng kanilang hiniling na aplikasyon dahil maaari itong magdulot ng
grave injustice at irreparable injury kung hindi ilalabas ang TRO.
Inatasan ng korte ang Clerk of Court at ang Taguig RTC ex-officio Sheriff na isilbi ang summons sa Makati at bigyan ng kopya ng kautusan para makapaghain ito ng return.
Kabilang sa mga sakop na pasilidad ay ang health centers, covered courts, multi-purpose buildings, day care centers, parks, at iba pang government properties na nakareserba “for public use” sa ilalim ng Proclamation Nos. 518 at 1916.
Ikinatuwa naman ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang naging desisyon ng korte.
“Malaking tagumpay ito para sa mga taga-EMBO. Ngayong nasa Taguig na ang pamamahala ng lahat ng pasilidad na ito, titiyakin nating bukas at ganap na mapapakinabangan ito ng mga taga-EMBO—hindi isasara,” ani Cayetano. Teresa Tavares