NAGING pormal na ang pagbabalik ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Manila City Hall para sa isang bagong termino noong katanghalian ng Hunyo 30, 2025.
Alam naman natin na “landslide victory” ang ibinigay ng mga Manilenyo kay mayor Isko Moreno. Marami ang umaasa sa kanyang pangako na “Make Manila Great Again.”
Ngunit hindi isang malinis na mesa ang kanyang dinatnan sa opisina kundi isang tambak ng basura, halos isang sampung bilyong pisong pagkakautang, kawalan ng gamot sa mga ospital at health centers ang iniwan mula sa dating administrasyon.
Unahin na natin ang isyu ng basura. Ilang Linggo bago ang palitan ng puwesto, umalingasaw sa baho ang halos buong Maynila dulot ng sangkaterbang basura na hindi na hinakot ng contractor.
Matatandaan na isa sa mga pinuri noon kay mayor Isko Moreno ay ang mabilis at malawakang paglilinis ng lungsod. Napag-alaman ng ating mayor na umabot na sa Php 950 million o halos isang bilyong piso ang pagkakautang sa mga contractor ng basura, kaya naman, napilitan silang mag-terminate ng kontrata.
Sobrang nakahihiya dahil na-feature pa ang kalagayan ng lungsod ng international media. Inamin naman ng dating administrasyon ang pagkakautang, pero ayaw tanggapin na ito ay pagkakautang, hindi lamang diumano nabayaran.
Malinaw na ang tawag dito ay pagkakautang pa rin. Masyadong malaki ang problema ukol sa basura. Masyadong mahiwaga ang laki ng pagkakautang.
Maraming katanungan ang mga Manilenyo na dapat sagutin, imbestigahan, at kung may sapat na ebidensya, kailangan silang papanagutin sa kanilang naging kapabayaan sa pamamahala ng lungsod. Hindi puwedeng palampasin ang napakalaking problemang ito.
Isang nakagugulat na ulat ang iniwang utang ng dating pamunuan ng Maynila ay umaabot sa halos sampung bilyong piso.
Ano masasabi ng dating administrasyon?
Kung naging malinis ang Manila, maiintindihang ng lahat kung bakit kinapos ang budget, ang nakakadismaya, ang dumi-dumi ng Manila! Ang tanong ng mga Manilenyo ay saan ito napunta?






