MANILA, Philippines — Kinontra ng Malacañang ang pagbansag ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar “Egay” Erice sa Local Government Support Fund (LGSF) bilang umano’y “presidential pork barrel,” iginiit na may malinaw na proseso at mga requirement bago makapaglabas ng pondo sa mga lokal na pamahalaan.
Sa kanyang vlog, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na mas makabubuting suriin muna ang sistema ng LGSF bago magbato ng alegasyon laban sa programa.
Nauna nang kinuwestyon ni Erice ang P58.53-bilyong LGSF sa panukalang 2027 national budget, na tinawag niyang discretionary spending at posibleng magamit para sa political purposes.
Ayon naman sa Department of Budget and Management (DBM), direktang nagsusumite ng funding request ang mga LGU sa pamamagitan ng Ugnayang Bayan Portal at sumasailalim ang mga ito sa evaluation, transparency requirements, monitoring at audit. Sinabi rin ng DBM na hindi kailangan ng political intermediary o “middleman” sa proseso.
Sinabi ni Castro na kabilang sa sinusuri bago mapagbigyan ang isang request ang pagsunod ng LGU sa mga umiiral na requirement at kakayahan nitong ipatupad ang proyektong popondohan.
Pinayuhan din niya si Erice na alamin mismo sa Caloocan local government, kabilang kay Mayor Along Malapitan, kung anu-anong proyekto ang hiniling at napondohan sa ilalim ng programa sa halip na agad itong tawaging pork barrel.
Nauna na ring itinanggi ng Malacañang na ginagamit sa pamumulitika ang LGSF, kasunod ng pagkuwestyon ni Erice sa P500-milyong pondong inilaan para sa Naga City. Kris Jose