MANILA, Philippines – Pinalagan ng Malacañang ang patutsada ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na inililihis lamang ng Palasyo ang mga isyung ipinupukol sa kanila kaya pinalulutang muli ang usapin ng arestuhan mula sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi kasi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na posibleng maaresto ang senador kung maglalabas ang ICC ng warrant of arrest laban sa kanya.
Para sa senador, nais lamang pagtakpan ng Malacañang ang ginagawang pag-uugnay kay First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagkasawi ng retail executive na si Paolo Tantoco, na siya namang pinabulaanan ng Palasyo.
“Okay, sinulat ko po para matandaan ko. Unang-una po, iyong possible ICC arrest, hindi po ito old issue. Every now and then may nadidinig po tayo na maaaring mailabas ang warrant of arrest at hindi rin po issue ang ICC iyong case na pending before the ICC,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang.
“Sa aking pagkakatanda, wala naman po tayong nairi-raise na mga old issues maliban lang kung ito ay related sa itinatanong sa atin. Sino po ba ang mahilig mag-raise ng old issues na sa ating pagkakatanda ay nagkaroon pa po ng hearing patungkol sa isang pre-operation ng PDEA na ang taon pa ay 2012? Parang wala naman po akong natatandaan na mayroon tayong niri-raise na ganoong mga klaseng issue,” dagdag niya.
Maliban dito, pinalagan din ni Castro ang sinabi ng senador na diversionary tactic ang ginagawa ng Malacañang para ilihis at pagtakpan ang isyu ni Unang Ginang Liza na iniuugnay sa pagkamatay ni Tantoco.
“Okay, unang-una po, ang issue po patungkol sa peke na police report or altered na police report ay hindi naman po ang Malacañang ang nag-raise niyan. Kailangan lamang po nating sumagot para maipakita sa taumbayan na may mga fake news peddlers, mga obstructionists, mga propagandist na gumagawa ng kuwento na kinakailangang mameke ng papel para lang sirain ang Unang Ginang, ang Pangulo at ang administrasyon,” paliwanag ni Castro.
“Sa makatuwid, kung ito po ay sinabi na po ng Beverly Hills Police Department na altered iyong ipinakita at na-post ni Mr. Tiglao na police report, siya po ba ay sumasakay din sa issue ng fake police report? Tandaan po natin, ang content na ito sa nasabing fake police report ay una po nating nadinig kung hindi po tayo nagkakamali ay sa Bise Presidente kaya po natin nasabi noon na siya pala ang source ng fake news.”
“At ngayon napatunayan po natin na altered iyong police report na ito, kailangan pa kayang sumakay ni Senator Bato dela Rosa? Siya po ay napaso na noon sa fake video na AI-generated pala. So, bilang senador sana po ay maging mapanuri din po siya sa mga issues dahil never gagamitin, hinding-hindi gagamitin ng Malacañang ang issue na peke na dokumento.”
“Bakit naman gagamitin itong diversionary tactic kung kaya naman pong sagutin ng Malacañang na ang ipinapalabas at ipinapakalat na police report ay peke,” ang balik na tanong ni Castro.
Iginiit kasi ni Senador Bato na pagtatakip lamang sa isyung kinasasangkutan ng First Lady ang dahilan ng pagpapalutang ng arestuhan mula sa ICC gayong wala pa namang inilalabas na arrest warrant laban sa kanya.
Samantala, para kay Castro, karapatan ni Senador Bato ang hindi dumalo sa pang-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos sa Hulyo 28, 2025 sa Batasang Pambansa, Lungsod ng Quezon.
Ang idinahilan kasi ng mambabatas ay dahil sa mayroon siyang “personal conflict” o isyu sa ilang kongresista at opisyal mula Malacañang.
Sa katunayan, sinabi ni Senador Bato na, “Alangan namang pupunta ako doon ng nakasimangot, pangit ‘di ba?”
Ang naging tugon naman ni Castro ay: “Okay lang naman po, karapatan naman po niya iyan kung hindi po siya pumunta, pero mas maganda po sana madinig po niya kung ano ang naging trabaho at magiging programa ng Pangulo sa SONA para po hindi siya maligaw,” ayon kay Castro, sabay sabing, “kasi mas maganda pong pakinggan niya mismo kung ano ang sasabihin ng Pangulo kaysa mag-rely sa mga fake news peddlers. So, sana kung hindi man siya makarating ay mapakinggan niya.” Kris Jose