Home NATIONWIDE Malakanyang bumwelta sa patutsada ni VP Sara sa ‘drugs’ photo ops ni...

Malakanyang bumwelta sa patutsada ni VP Sara sa ‘drugs’ photo ops ni PBBM

MANILA, Philippines – Niresbakan ng Malakanyang ang patutsada ni Vice President Sara Duterte na hindi trabaho ng Pangulo ang pagpapa-picture sa mga nasabat at sinunog na ilegal na droga.

Personal kasing sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsunog sa bultu-bultong shabu sa pamamagitan ng thermal decomposition sa Capas, Tarlac at pagkatapos ay nagpakuha ng larawan kasama ang mga susunuging ilegal na droga.

“Ang Pangulo ay gumising ng maaga kahapon, pumunta sa Tarlac, nagtrabaho, nag-utos, hindi nagbakasyon at binantayan ang pagsisira ng illegal na droga. Nais ng Pangulo na masawata ang droga, ang illegal na droga sa ating bansa. At ang pagtatrabaho po ng Pangulo ay dapat maramdaman ng tao. Hindi po ito pang photo ops lang, ito ay nagsisilbing babala sa mga kriminal at nagsisilbi rin po itong inspirasyon sa taumbayan na nagnanais na masawata ang illegal na droga,” ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“Mas maganda po siguro talaga na pasinayaan at makita mismo ng Pangulo ang pagsira sa mga illegal na droga na ito kaysa po walang gawin sa mga nawalang illegal na droga sa magnetic lifter.”

“Kailan nga ba ito nawala? 2018 iyan at baka po nakalimutan din po ng Vice Presidente na ang kanyang ama ay nagkaroon din po ng pagwi-witness sa incineration ng 7.51 billion dangerous drugs sa Cavite. Ito po, baka po nakalimutan niya po ito, baka puwede natin palakihin. Kailan po ba ito? Wait lang, 2020 lamang. So, baka nakalimutan po ito ni Vice Presidente,” sabi pa niya.

“Ang pagtatrabaho po naman ay hindi dapat itago; dapat nakikita ng taumbayan, dapat nagrereport ang Pangulo sa taumbayan.” Kris Jose