Home HOME BANNER STORY Malakanyang, dedma sa panawagan ni Cong. Barzaga sa publiko na mag-people power...

Malakanyang, dedma sa panawagan ni Cong. Barzaga sa publiko na mag-people power para mapatalsik si PBBM sa puwesto

321
0

MANILA, Philippines – Ayaw patulan ng Malakanyang ang panawagan ni Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga na People Power para mapatalsik si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. katulad ng pagpapatalsik sa kanyang ama na si dating Pangulong Marcos Sr.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na makarating man o hindi ang panawagan na ito ni Barzaga sa Pangulo ay dedma lang ang Malakanyang.

Ang katuwiran pa rin ni Castro, saklaw na aniya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang usaping ito.

Bukod kasi sa planong maghain ng impeachment complaints, nanawagan din si Barzaga sa Pangulo na magbitiw na siya sa tungkulin dahil ang usapin ng korapsyon ay napaulat na nanggagaling di umano mismo sa Malakanyang.

“Mahirap po kasing magsalita ng walang ebidensiya, madaling magbintang, madaling magsabi kung anu-ano. Kung walang ebidensiya hindi dapat paniwalaan,” ang pahayag ni Castro.

Nauna rito, sa kanyang social media post ay hinihikayat ni Barzaga ang taumbayan, gayundin ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at military reserve forces na sumama sa isang democratic revolt na sisimulan sa October 12.

Diin ni Barzaga, tatlong taon na tayong nagtitiis sa mga pagkukulang ni PBBM at hindi na rin intres ng mamamayang Pilipino ang isinusulong nito kundi ang kapakanan ng kanyang pamilya at mga kaalyado sa politika.

Sa video ay inilatag ni Barzaga ang mga puna sa pamumuno ni Marcos, pangunahin ang bilyun-bilyong pisong ninakaw na pondo para sa flood control program.

Binanggit ni Barzaga na dahil sa matinding kritisismo nya sa korapsyon sa gobyerno ay nadiskubre nya ang plano na alisin sya bilang miyembro ng House of Representatives.

Ayon kay Barzaga, hindi sya natitinag dahil handa syang mamatay o makulong para sa kanyang ipinaglalaban na pag-asa para sa ating kinabukasan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here