MANILA, Philippines – WALANG masamang intensyon si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa pag-post nito ukol sa kanyang “birthday sabbatical.”
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kinikilala ng Unang Ginang ang pagpuna at opinyon kaugnay sa kanyang social media post.
Ani Castro, ginagalang ni Unang GInang Liza ang opinyo hinggil sa timing ng kanyang social media post at tanggap niya ang mga ito.
“Nauunawaan po natin kung may ilang mga hindi po nasiyahan sa timing o paraan ng pagkakasulat ng post ng ating First Lady,” ayon kay Castro.
“Karapatan ng bawat isa na magkaroon ng sariling opinyon at ito naman po ay mahalaga at pinakikinggan po ni First Lady ang lahat ng opinyon para malaman niya kung ano ang nararapat na ano pang tulong, batikos, ay kailangan ito malaman,” ang dagdag na wika nito.
“Ngunit sa mga nagdamdam sa post na ito, naiintindihan po namin ang inyong damdamin,” ang naging pahayag pa ni Castro.
Sa kabilang dako, sinabi pa ni Castro na wala siyang masamang nais na ipakahulugan sa kanyang post, nais lamang ani Castro ng Unang Ginang na ipahatid sa publiko na mahalaga ang bawat araw sa kabila ng paghihirap na nararanasan.
“Nais lamang ipahatid ng birthday post na ito ang kahalagahan ng bawat araw at bawat taon na bigay ng Panginoon kahit ano pang dilubyo o pagsubok ang kinakaharap natin,” aniya pa rin.
Sa mga na-offend o sumamaa ang kanilang damdamin sa pag-post na ito, walang ibig na ipahiwatig na negatibo ang ating First Lady kundi para ipabatid lang na ang isang kaarawan habang tayo ay nabubuhay ay mahalaga na ipagpasalamat sa ating Maykapal,” anito pa rin.
Tiniyak naman ni Castro sa publiko na ang mga programa ni Unang GInang Liza ay nagpapatuloy at patuloy na isinasagawa.
“Huwag po kayong mag-alala dahil tuloy-tuloy po ang pagtatrabaho at pagbibigay ng assistance at ayuda ng pamahalaan para sa ating mga kababayan na nakaranas ng hindi kanais-nais na trapiko, pagbaha kahapon,” ang tinuran ni Castro.
Binigyang diin ni Castro na “First Lady does not fall short in extending help” at siya ay nagpunta sa iba’t ibang lugar para mamahagi ng tulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng kanyang mga programa, bago pa humagupit ang malakas na pag-ulan at nagpapatuloy ngauon na pagbuhos ng ulan sa bansa.
“Ngunit bago po kasi dumating ang masamang panahon na ito, ay abala si First Lady sa mga gawain para sa ating mga kababayan. So nais din po natin itong ipabatid sa ating mga kababayan dahil bago nga po dumating itong malakas na bagyo kahapon, ay nagkakaroon na po at gumagawa na po ng aksyon ang ating First Lady, kabilang na rito yung pamamahagi ng rice assistance sa mga senior citizen sa Negros Occidental,” litaniya nito.
“At may bagyo man o walang bagyo, nakikita po natin ang pagtulong ng ating First Lady sa pamamagitan ng Lab for All,” ayon pa rin kay Castro.
Tila ibinuking pa ni Castro ang Unang Ginang nang sabihin nito na patuloy itong nagtatrabaho na “mostly behind the scenes.”
“Hindi niyo man siya nakikita madalas, pero behind the scene, alam natin kung ano po ang nagagawa ni First Lady at katuwang po siya ng ating Pangulo,” ani Castro.
Samantala sinabi pa ni Castro na hindi pa naipagdiriwang ni Unang Ginang Liza ang kanyang kaarawan kasama ang kanyang pamilya at “simply taking some time to think about herself for once because she has really been doing so much.” (Kris Jose)