Home NATIONWIDE Malakanyang, hinikayat publikong maghanda ng maayos sa posibleng epekto ng ‘Super’ El...

Malakanyang, hinikayat publikong maghanda ng maayos sa posibleng epekto ng ‘Super’ El Niño

1
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang ang publiko na manatiling kalmado at maghanda nang maayos sa posibleng epekto ng El Niño, kasabay ng pagtiyak na handa ang pamahalaan na tugunan ang mga posibleng epekto nito sa suplay ng tubig.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nakapaghanda na ang pamahalaan ng mga hakbang para tugunan ang epekto ng El Niño, kabilang ang ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda.

“Handa ang pamahalaan sa phenomenon na ito dahil, kung matatandaan ninyo, noong 2024 ay nagkaroon tayo ng Task Force El Niño. Kumbaga, ang El Niño ay hindi na bago sa Pilipinas,” ani Castro.

Binigyang-diin ni Castro na kailangan lamang maghanda ang publiko at iwasan ang hindi kinakailangang pag-panic.

Hinimok din ni Castro ang publiko na huwag mag-hoard o mag-ipon nang sobra ng bottled water dahil wala namang ulat na magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng inuming tubig.

Nagbabala rin siya na ang panic buying at labis na pag-iimbak ng tubig ay maaaring makaapekto sa suplay at magdulot ng pagtaas ng presyo.

Nauna nang inanunsyo ng National Water Resources Board na ibababa ang water allocation para sa Metro Manila mula 52–53 cubic meters per second sa 44 cubic meters per second simula ngayong Oktubre dahil sa posibleng epekto ng El Niño.

Sinabi ni Castro na patuloy na imo-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon at makikipag-ugnayan sa mga concerned agencies upang matiyak ang tamang pagtugon sa epekto ng El Niño.

“Ang kailangan lang talaga natin ay mag-prepare, at ’yun ang ginagawa ng gobyerno,” ani Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here