MANILA, Philippines – Pinasaringan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro si Sen. Imee Marcos sa naging reaksyon ng huli sa pagkakasakit ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdiand Marcos, Jr.
“Huwag natin gawing biro ang kalusugan ng Pangulo. Huwag maging komedyante o payaso sa pagbibigay ng payo. Totoong puso at pagkalinga ang kailangan ng isang tao na may pinagdaanang karamdaman,” ayon kay Castro.
“Huwag magpakaplastik sa mata ng nakararami,” diing pahayag nito.
Sa latest Facebook post kasi ni Imee Marcos noong Sabado, Enero 24, sinabi niyang wala umanong nag-aalala sa Pangulo kaya humantong sa gayong kalagayan.
“Ayan na nga ang sinasabi ko, nagkasakit na si Bongbong. Pambihira talaga. Wala kasing nag-aalaga sa kaniya,” ang winika ni Imee Marcos.
Dagdag pa niya, “Sino ba diyan sa nakapaligid sa Palasyo, sa dinami-dami ninyo ang talagang nagmamahal sa kapatid ko? […] Ang health niya ang bibigay. Talaga naman, kaniya-kaniyang agenda kayo diyan.”
Kaya naman pinayuhan ng senadora ang Pangulo na unahin muna nito ang sarili at patuloy na magpalakas.
“Talikuran na niya lahat ng nakapaligid diya sa Palasyo. Panggulo lang ‘yan. Wala sa kanila ang talagang nagmamahal sa kaniya,” dugtong pa ni Sen. Imee.
Magugunitang, inanunsiyo kamakailan ng Malakanyang na sumailalim ang Pangulo sa medical observation sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City matapos umano nitong makaranas ng “discomfort” dulot ng Diverticulitis.
Ayon sa HealthLink BC, ang Diverticulitis ay isang kondisyon kung saan ang pouches o diverticula ay nabubuo at nagdudulot ng pamamaga o impeksyon sa colon o malaking bituka.
Ang pamamaga o impeksyon na ito ay nagdudulot ng pananakit ng tiyan. (KRIS JOSE)