Home NATIONWIDE Malakanyang kay VP Sara: Akusasyon sa sagutin kaysa technicalities

Malakanyang kay VP Sara: Akusasyon sa sagutin kaysa technicalities

55
0

MANILA, Philippines – TILA pinayuhan ng Malakanyang si Vice-President Sara Duterte na magbigay ng depinidong paliwanag ukol sa alegasyon laban sa kanya sa halip na gamitin ang “mere technicalities” para mabasura ang impeachment complaint laban sa kanya.

Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na matapos na pormal na maghain ang kampo ni VP sara ng kasagutan sa Articles of Impeachment, araw ng Lunes.

“Lumalabas dito sa kaniyang naging tugon [na] hindi niya po dineny. Walang outright denial ng mga akusasyon sa kaniya katulad po ng diumanong paglustay ng confidential funds, pagbabanta sa buhay, lalung-lalo na sa buhay ng Pangulong Marcos Jr., pagtanggap diumano ng pera mula sa mga drug lords, at mga unexplained wealth,” ang sinabi ni Castro.

“Lumalabas sa kaniyang tugon ay hindi niya ito dineny at ang ginamit lamang niya na depensa ay mere technicalities—bakit daw naipalabas o papaanong nakuha ang mga ebidensiyang ito,”aniya pa rin.

Nauna rito, nagsumite na araw ng Lunes, Hunyo 1, ng sagot sa impeachment court ang kampo ni Vice President Sara Duterte kung saan ipinababasura nila ang apat na Articles of Impeachment.

Limang maleta na naglalaman ng pormal na sagot sa Articles of Impeachment ang dala ng abogado ni Duterte na si Atty. Michael Poa.

Ayon kay Poa, bahagi ng isinumite nilang sagot ang pagkuwestyon sa constitutionality ng isinampang kaso laban sa bise presidente. Iginiit ng kampo ni Duterte na dapat i-dismiss ang kaso.

Pero tumanggi si Poa na magbigay ng ibang detalye sa isinumiteng sagot sa impeachment court.

Nagtapos noong nakaraang Sabado ang deadline para magbigay ng sagot ang kampo ni Duterte pero dahil sa walang sesyon pinalawig ito hanggang kahapon, Lunes.

Ayon pa kay Poa, binigyan muna nila ng kopya ng sagot ang House of Representatives bago sila nagtungo sa Senado.

Subalit sinabi ni Castro na ang argumento ay nagamit na ng defense team ni VP Sara bilang tugon sa House Committee on Justice sa gitna ng pagdinig sa impeachment complaints.

“Mas maganda po sana na mas maipaliwanag niya sa taumbayan itong mga inaakusa sa kanya, rather than using mere technicalities to have the complaint be dismissed,” ayon kay Castro.

Kaya nga, nasa kamay na ng mga senator-judges para timbangin ang mga sagot ni VP Sara.

“Abangan na lang po natin dahil nasa kamay na po ito ng mga senator-judges kung idi-dismiss nila outright, forthwith nang hindi nakikita ng taumbayan ‘yung mga nais makita na ebidensya,” ani Castro.

“Kung maki-clear naman po ang Bise Presidente sa pamamagitan ng mga ebidensya at ito ay madi-deny niya mas maganda pong ma-clear niya iyong pangalan niya at maipaliwanag niyang walang katotohanan lahat ‘yung mga inaakusa sa kaniya rather than using mere technicalities,” aniya pa rin. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here