MANILA, Philippines – Nagbabala ang Malakanyang sa mga local government unit (LGU) na maging mapagmatyag laban sa mga scam at disinformation na may kaugnayan sa Local Government Support Fund (LGSF) at Socio-Civic Projects Fund (SCPF).
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na walang sinisingil ang Office of the President na anumang bayad o fees ang pamahalaan sa mga benepisyaryong LGU upang makuha ang kanilang inilaan na pondo.
“Mag-ingat sa scam at disinformation tungkol sa LGSF at SCPF ng Office of the President. Hinding hindi maniningil ng kabayaran o anumang fees ang gobyerno sa mga LGU beneficiaries upang makuha ang kanilang budget,” ayon kay Castro.
Ang LGSF sa ilalim ng Support and Capital Projects Fund (SCPF) ay tulong-pinansyal mula sa pambansang pamahalaan na ipinagkakaloob sa mga lokal na komunidad at barangay, kabilang ang tig-P200,000 na alokasyon para sa bawat lungsod at munisipalidad sa ilalim ng programang Bawat Bayan Makikinabang, na hinahati para sa mga proyektong pangkaunlaran at pangkaligtasan ng barangay at sa scholarship ng mga mag-aaral.
Sa harap nito, hinimok ni Castro ang mga opisyal ng LGU na mag-ingat sa mga indibidwal na humihingi ng personal na impormasyon o naniningil kapalit ng pagpapalabas ng kanilang pondo, at iginiit na mga awtorisadong kinatawan lamang ng pamahalaan ang dapat nilang kausapin.
Sinabi ni Castro na nagbabala rin ang Office of the President na maaaring gamitin ng mga scammer ang makukuhang impormasyon upang mailihis o maagaw ang pondong nakalaan para sa mga LGU.
Dahil dito, hinihikayat ni Castro ang mga opisyal ng LGU at ang publiko na agad iulat sa Office of the President ang anumang kahina-hinalang aktibidad o mapanlinlang na gawain upang agad itong maaksyunan at maprotektahan ang mga benepisyaryo.
“Kapag may ganyan po na mga problema, isangguni lamang po ninyo, ipagbigay alam po ninyo mismo sa amin, sa aming opisina, para po ito ay makontrol at mahinto ang ganitong mga klase ng pang-aabuso,” pagtatapos ni Castro. (KRIS JOSE)