MANILA, Philippines – NAGPAABOT ng pakikidalamhati ang Malakanyang sa pagpanaw ni dating House Speaker Jose “Joe” de Venecia Jr.
Sa isang kalatas, inilarawan ni Executive Secretary Ralph Recto si de Venecia bilang lider na may tapang at malasakit sa pag-unlad ng bansa.
Aniya, kinatawan ni de Venecia ang “grit and grace” ng isang pinunong hindi nasisiyahan sa nakasanayan at patuloy na nagtutulak ng mga reporma upang mabasag ang mga hadlang sa progreso.
Ipinagmalaki ni Recto ang naging kontribusyon ni de Venecia bilang diplomat, negosyante, at mambabatas, mula sa pagsusulong ng kapayapaan, pagbubukas ng oportunidad sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, hanggang sa pagpapatibay ng mahahalagang batas laban sa monopolyo at para sa mas maayos na serbisyo publiko.
Sinabi nito na mananatiling inspirasyon ang adbokasiya ni de Venecia para sa prinsipyo, pagkakaisa at makabayang pamumuno. Kris Jose