Home METRO Malakanyang, positibo sa kalalabasan ng PH-US tariff deal

Malakanyang, positibo sa kalalabasan ng PH-US tariff deal

216
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng kumpiyansa ang Malakanyang na magkakaroon ng positibong resulta ang nagpapatuloy na negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos hinggil sa naging desisyon ni US President Donald Trump na pansamantalang itigil ang 17-percent reciprocal tariff sa Philippine exports.

Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na umaasa ang gobyerno ng Pilipinas na magkakaroon ng “good” na resulta ang pag-uusap para sa bansa at ekonomiya.

“Sa ating palagay, opo,” ayon kay Castro nang tanungin kung naniniwala siya na ang Pilipinas ay “in good place’ pagdating sa trade deal negotiations.

“Dahil ang dalawang bansa naman po – ang Pilipinas at ang US – ay nagkaroon po ng pagkakasundo na magkakaroon po ng kooperasyon para sa economic development naman po ng Pilipinas,” dagdag na wika nito.

Samantala, sinabi ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson na nagtatrabaho ng dobleng oras ang dalawang bansa para isapinal ang isang trade agreement, habang pinaplantsa ng Maynila ang reciprocal tariffs na ipinataw ni US President Donald Trump.

Nauna rito, inanunsyo ni US President Donald Trump ang pag-antala sa kanyang sweeping tariffs nang 90 araw.

Binigyan ni Trump ang lahat ng bansa ng 10 percent baseline, maliban sa China na pinatawan nito ng mas mataas na singil sa buwis.

Sinabi ng US President sa Truth Social na base sa kawalan ng respeto na ipinakita ng China sa World Market, itinaas niya ang taripa nito sa 125 percent, effective immediately.

Inihayag ni Trump na mahigit pitumpu’t limang bansa ang humiling ng negosasyon dahil sa taripa, kaya nagpatupad siya ng 90-day pause, at ibinaba muna sa 10 percent ang reciprocal tariff, na kaagad na epektibo. /Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here