MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na may sinusunod kasi na due process sa imbestigasyon sa flood control scandal bago pa papanagutin ang mga personalidad, upang mapigilan na malabag ang kanilang karapatang-pantao.
Hiningan ng komento si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa sidelines ng Association of the Southeast Asian Nations Summit sa Kuala Lumpur, ukol sa naging panawagan ng business groups at trade unions kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gumawa na ng “bold, concrete steps” laban sa korapsyon upang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno.
“Sa mga naiinip, ang pamahalaan po ay nasa tamang pagkilos na naaayon sa batas. Nagmamadali? Yes, minamadali lahat, pero hindi natin mamamadali ang lahat pero magba-violate tayo ng batas at ng human rights,” ayon kay Castro.
“Kayo rin po ay mabibiktima kapag walang due process. So isipin natin, ang ginagawa ng pamahalaan ngayon ay may katungkulan sa due process,” aniya pa rin.
Sa ulat, muling umapela ang malaking grupo ng mga negosyante sa bansa kay Pangulong Marcos na gumawa ng mabilis na hakbang laban sa nagaganap na kurapsyon sa bansa.
Sa inilabas na resolution ng grupo, na binubuo ng Makati Business Club, Philippine Chamber of Commerce and Industry, at Employers’ Confederation of the Philippines, ay mahalaga na tugunan agad ng Pangulo ang tinaguriang makasaysayan at malawakang kurapsyon sa flood control at infrastructure projects.
Ayon pa sa grupo, ang talamak na kurapsyon ay mas higit pa sa pagkalugi, ngunit ang pagkasira ng tiwala ng publiko ay magdudulot ng kaguluhan.
Nakasaad sa resolution na bigyan ng buong kapangyarihan ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) na magsagawa ng imbestigasyon at lumayo sa impluwensya ng sinumang pulitiko.
Kasuhan ang lahat ng mga responsable, maging anumang posisyon sa gobyerno, at magpatupad ng pagbabago sa institusyon para hindi na maulit pa ang pang-aabuso, magbigay ng update sa publiko sa mga pagbabago sa imbestigasyon, at ipakita sa publiko ang audit findings para matiyak ang kredibilidad.
Binigyang-diin din ni Castro na simula nang isiwalat ng Pangulo ang korapsyon sa flood control projects sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo, gumawa na agad ng kaukulang aksyon ang gobyerno para papanagutin ang nagkasala.
Sa katunayan, aniya, ipinag-utos na ng Money Laundering Council ang ‘freezing of assets,’ ang pagsasampa ng kaso, at pagpapalabas ng immigration lookout bulletin orders laban sa ilang personalidad.
“Sino man ang mademanda, kayo man o ibang tao, basta due process po ang lagi nating papanatilihin na marespeto. So iyon lamang po. Sana po maintindihan po nila iyon,” ani Castro.
Sa tanong kung bakit walang ipinalalabas na hold departure order, ang paliwanag ni Castro ay bahala na ang korte ang magdesisyon sa bagay na ito, kahalintulad ng pagpapalabas ng arrest warrants.
“Hindi po natin basta-basta maaaring tawagin o sabihin na ang isang tao ay hindi puwedeng magbiyahe – iyan naman po ay lalabag sa batas dahil lahat naman po tayo ay may freedom of movement. Iyan po ay isang constitutional right,” ang winika ni Castro.
Samantala, sa apela naman sa Pangulo na isertipika bilang urgent bill ang pagkakaloob ng ‘full contempt powers’ sa Independent Commission on Infrastructure, sinabi ni Castro na ang mga personalidad na ipinatawag ng ICI ay maaari pa ring magpakita para makipagtulungan sa imbestigasyon kahit pa walang contempt powers ang ICI.