Home NATIONWIDE Malakanyang, wala pang update sa kapalaran ng ICI

Malakanyang, wala pang update sa kapalaran ng ICI

250
0

MANILA, Philippines – Wala pang update ang Malakanyang sa napaulat na malapit nang lusawin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Hinamon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang mga nagpapakalat ng balita na gigibain na ang ICI na mangyaring suportahan ang kanilang pahayag ng katotohanan.

“Sa atin, on our part, wala pang update sa atin kung idi-dissolve ang ICI dahil patuloy ang pag-iimbestiga at trabaho naman nila ay tuloy-tuloy,” ayon kay Castro.

“Kung sino ang nag-aakusa, kung mayroon naman silang tamang facts o data, i-prove niya ito sa media,” aniya pa rin.

Inilarawan naman ni Castro ang ICI bilang isang fact-finding body na nakatulong sa Ombudsman at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa kanilang imbestigasyon ukol sa irregular infrastructure projects.

“Mas gumaan ang trabaho kasi mas naiipon ang mga dokumento, mga testimony, mga witnesses. Yun ang nagpapagaan,” ang tinuran ni Castro.

“Once makita ito at na-vet na ito, ibig sabihin na-vet na ito sa ICI na naimbestigahan, mas madali na on the part ng Ombudsman and DOJ na magkaroon ng resolution,” aniya pa rin.

Nauna nang sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na kukunin ng proposed Independent People’s Commission (IPC) ang trabahong pag-iimbestiga sa mga anomalya mula sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kung mabubuwag ito.

Ang pahayag ni Sotto ay kasunod ng sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na naniniwala siyang ang ICI ay mayroon lamang isa o dalawang buwan bago iturn-over ng investigating body ang trabaho sa kanyang opisina.

Ayon kay Sotto, ang IPC, na inihain niya noong Agosto, ay ipagpapatuloy ang trabaho ng ICI at sinabing ang panukalang batas ay maaaring maipasa “in one or two months” lalo’t ito ay nasa ikalawang pagbasa na.

Sinabi pa ng Senate President na ang IPC ay mayroong prosecutorial powers, kabilang ang kapangyarihan na mag-isyu ng mga subpoena at ipa-contempt ang mga indibidwal.

Aniya, hindi katulad sa ICI na ang mandato ay mag-imbestiga lamang sa mga infrastructure project, ang kanyang bersyon ng IPC ay mag-iimbestiga sa anumang uri ng anomalya sa bansa.

Ani Sotto, ang kwalipikasyon para maging pinuno ng IPC ay dapat na dating chief justice, katulad ng sa ICI na ngayon ay pinamumunuan ni dating Supreme Court Justice Andres Reyes Jr.

Matatandaang, sinabi ni ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka na tuloy ang trabaho ng ICI dahil marami pa silang mga dokumento na kailangang suriin may kaugnayan sa ghost flood control projects. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here