MANILA, Philippines – Walang nakikitang dahilan ang Malakanyang para mag-sorry si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil lamang sa inanunsyo nito na nahuli na ang pugante at dating Rep. Zaldy Co ng mga awtoridad ng Czech Republic taliwas sa mga nangyari.
“Balik ko ang tanong: Saan po siya dapat mag-apologize?,” ang pahayag ni Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro.
Hindi naman aniya lingid sa kaalaman ng Malakanyang na umaasa ang lahat na mapauuwi na sa Pilipinas si Zaldy Co at mahaharap na nito ang mga kasong malversaion of public funds at korapsyon na isinampa laban sa kanya.
“Lahat naman po tayo ay umaasa. Lahat naman o ay dapat gawin ay ginawa ng Pangulo at ng administrasyon. ang kanyang ini-report naman po ay tama, so wala po tayong nakikita na maaaring sabihing pagkakamali ng Pangulo dahil hindi po ito tinulungan ng Pangulo,” ayon kay Castro.
Kaya nga ipatatawag ng Pangulo ang mga ambassador ng Czech Republic at ng France para malaman kung ano ang mga puwedeng nagawa sana ng gobyerno ng Pilipinas.
“Iyan po ang pag-uusapan, kung mayroon nga ba tayong pagkukulang o mayroon bang hindi nagawa para po mas maliwanagan tayo ano pa ang dapat gawin at ano pa ang dapat maitulong ng ibang bansa lalung-lalo naman po na tayo naman po ay mayroong tinatawag na United Nations Convention Against Corruption. So, ang kaso po na kinakaharap ni Zaldy Co ay patungkol sa malversation so aalamin lamang po ng Pangulo, ano ba ang dapat pang nagawa dahil sa ating pagkakaalam, sa pagkakaalam ng Pangulo, lahat po ng dapat gawin ay ginawa na,” ang litaniya ni Castro.
Samantala, dumistansiya naman ang Malakanyang sa naging pahayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na maaaring maiuwi na sa Pilipinas ‘in two to three weeks’ si Zaldy Co.
“Galing lamang po ito kay Secretary Jonvic Remulla hindi po ito pronouncement ng Pangulo at hindi rin po ito pronouncement ng Palasyo. At kung siya po ay nag-apologize for that for doing or for saying that matatanggap naman po ng lahat dahil nakita po natin ang sitwasyon pero muli hindi po galing kay Pangulo ang opinyon na ibinigay ni Secretary Jonvic Remulla,” ang pahayag ni Castro. (KRIS JOSE)