Home NATIONWIDE Malakanyang walang nakikitang elemento ng treason o pagtataksil sa pahayag ni Marcoleta...

Malakanyang walang nakikitang elemento ng treason o pagtataksil sa pahayag ni Marcoleta ukol sa WPS

221
0

MANILA, Philippines – WALANG nakikitang anumang elemento ng treason o pagtataksil ang Malakanyang sa kamakailan lamang na naging pahayag ni Senador Rodante Marcoleta ukol sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kinikilala ng Malakanyang ang kalayaan sa pagpapahayag ng bawat filipino subalit pinananatili ang posisyon ng Pangulo na hindi isusuko ng Pilipinas ang anumang parte ng teritoryo nito.

“Alam naman po natin, ang isa sa elemento po ng treason ay dapat po na mayroong actual state of war. So, wala naman po tayo sa ngayon na—wala po tayo sa estado ng actual state of war,” ayon kay Castro.

“Pero ang nais ng Pangulo ay maipahatid ng bawat Pilipino kung ano ba ang ating karapatan sa ating teritoryo, kung ano ba ang interest natin sa West Philippine Sea,” aniya pa rin sabay sabing, “Ganoon pa rin ang posisyon ng Pangulo: Wala pong anumang bahagi ng teritoryo natin o anumang interest ang isusurrender sa anumang foreign power. Pero dapat din po tayo maging tugma sa ating ipinapahayag,” aniya pa rin.

Matatandaang, sa isinagawang Committee on Appointments (CA) hearing, araw ng Miyerkules, sinabi ni Marcoleta na dapat nang isuko ng Pilipinas ang KIG sa Palawan dahil ang features nito ay “way beyond our exclusive economic zone (EEZ)”.

“Meron tayong mga isla na occupied natin ngayon, ang KIG. May apat na features sa KIG — Pag-asa, Parola, Kota, at Lankiam. Incidentally, itong apat na features ay way, way beyond our EEZ. Wala sila sa sakop ng EEZ,” ang winika ni Marcoleta.

“Ang gawin natin para madali, i-give up natin ang KIG then maco-coordinate na natin lahat,” aniya pa rin.

Kalaunan ay binawi naman ni Marcoleta ang kanyang naging pahayag. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here