MANILA, Philippines – Isang malaking sunog ang tumupok sa mga kabahayan sa Santa Ana, Maynila nitong Martes ng umaga, Oktubre 15.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang sunog alas-6:12 ng umaga sa Radius St., sakop ng Barangay 775.
Umabot sa 4th alarm ang sunog dakong alas-6:48 ng umaga na tumupok sa mga kabahayan kaya naman nagdagdag ng pwersa ang BFP-Manila dahil sa bilis ng paglaki ng apoy sa lugar.
Nagpahirap sa mga rumespondeng tauhan ng BFP at fire volunteers ay ang makipot na daanan o eskinita patungo sa mga natutupok na bahay.
Dahil sa naglalagablab na apoy mula sa nasusunog na kabahayan, nagkanya-kanya na ring igib o sahod ang mga residente upang matugunan ang kakulangan ng tubig sa mga tangke ng mga fire truck.
Karamihan sa mga fire truck ay nasa kahabaan ng kalsada lamang dahil hindi ito makapasok sa mismong lugar na nasusunog kayat pinagdugtong-dugtong na lamang ang kanilang mga fire hose upang mabombahan ng tubig ang mga bahay na nilalamon na ng apoy.
Sa ngayon ay fire under control pa lamang ang sunog dahil may nakikita pa ring maitim na usok.
Samantala, sarado sa motorista ang bahagi ng Zobel Roxas at Onyx Street sa Maynila dahil sa naturang sunog.
Hindi pa batid ang sanhi at pinagmulan ng sunog gayundin ang kabuuang pinsala na dulot nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden