Home OPINION ‘MALING ANUNSYO’ NG MALAKANYANG

‘MALING ANUNSYO’ NG MALAKANYANG

112
0

MARAMING nahilo, kabilang na tayo, sa paliwanag ng Palasyo ng Malakanyang sa kamakailan ay ibinalita mismo ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na naaresto o nadakip na si resigned lawmaker-turned fugitive Zaldy Co sa Czech Republic.

Hanggang ngayo’y ayaw umamin ni Palace spokesperson Usec. Claire Castro na mali ang “anunsyo” ng Pangulo tungkol sa ‘pag-aresto’ kay Co.

Una, biglang nanahimik ang Palasyo at binabanggit ang kahilingan ng Czech Republic na “confidentiality” ng mga impormasyon.

Hanggang sa sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na nagtungo mismo sa nasabing bansa na hindi “naaresto” si Co.

Upang “iligtas sa pagkapahiya” ang Pangulo, mabilis na sumaklolo si Ante Kler.

“Unang-una, kung mapapansin ninyo po, April 16 unang nag-post ang Pangulo ng kanyang mensahe, ‘Nahuli na si Zaldy Co.’ Kapag sinabi nating nahuli na si Zaldy Co, it doesn’t necessarily mean that it is an arrest. Ang ‘nahuli’ na salita ay very general. So, kapag nahuli, pwede nating sabihin na napahinto, na-stop, na-prevent sa pagkilos, at hindi mali ang Pangulo sa kanyang iniulat noong April 16,”ang palusot ni Castro sa Palace press briefing.

Kahapon tuluyan nang tinuldukan ni Vida ang isyu. Hindi nga naaresto si Co. Wala sa kustodiya ng mga awtoridad ng Czech Republic ang kontrobersiyal na dating kongresista ng Bicol.

Hindi natin alam kung ano pa ang magiging palusot ni Castro para “maisalba” ang leeg ng kanyang amo sa “pagkakakuryente” o sabihin nating pagkakamali sa pagbabalita ukol kay Co.

Hindi rin natin alam kung ano pang mga salita ang pwedeng “baluktutin” ng Malakanyang para lang lumitaw na sila ang tama.

Ang hirap sa mga nasa Palasyo, magpapaputok ng “pekeng balita” at kasinungalingan at kapag binabatikos na, hindi pa rin aamin sa pagiging sinungaling.

Nagagalit at sila pa ang nagdemanda sa mga sinasabi nilang “fake news” peddlers pero kapag ito (Malakanyang) na ang nagiging source ng mga maling impormasyon, katakot-takot na palusot ang sa kanila’y maririnig.

Ano bang masama kung umamin sa pagkakamali? Mahirap ba itong gawin?

Aba’y batbat na ng mga kasinungalingan ang Malakanyang, partikular sa “pagtatakip” sa mga isyu ng korapsyon na kinasasangkutan mismo ng Ehekutibo, at hindi na ito lingid sa kaalaman ng taumbayan.

Tandaan na ang kasinungalingan ay mistulang kalawang na sumisira sa bakal.

Kahit minsan lang, bakit hindi subukang maging totoo ng ilang nasa Palasyo. Hindi ba’t may kasabihan na “ang pagsasabi ng tapat ay pagsasama ng maluwat”?

Ito ay kasingkahulugan na ang katapatan ay pundasyon ng isang matibay, matagal, at matiwasay na relasyon sa mamamayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here