BAGUIO CITY, Philippines – Inihayag ni Mayor Benjamin Magalong noong Sabado na umatras ang SM Prime Holdings sa kanilang planong public-private partnership (PPP) para sa P4.5-bilyong multilevel facility na papalit sa century-old na public market ng Baguio.
Plano ng SM na magtayo ng apat na palapag na gusali para sa 4,000 vendors, pati na rin ng mas maliit na retail facility at walong-palapag na parking building.
May plano rin silang temporary market sa slaughterhouse compound para sa relocation ng mga vendors habang may konstruksyon.
Aabot sana sa 50 taon ang lease sa mahigit tatlong ektarya ng anim na ektaryang lote, isa sa pinakamahalagang ari-arian sa Baguio.
Ngunit nagkaroon ng matinding pagtutol mula sa publiko dahil sa pangambang “mallification” ng historic market.
Ayon kay Helene Go, vice president ng SM para sa legal affairs, “It appears that Baguio City—the executive and legislative branches, the public market vendors and other stakeholders—have several matters to settle before the project may proceed.”
Dahil sa pag-atras, hindi na maaasahan ng lungsod ang PPP investment para sa market.
Patuloy naman ang city council sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng iba pang business enterprises, kabilang ang Maharlika Livelihood Complex at isang shopping mall na mapapasailalim sa city control pagsapit ng 2028.
Ayon kay Councilor Peter Fianza, ang desisyon ng SM ay bunga ng mga pangambang maaaring hindi aprubahan ng komunidad ang proyekto. RNT/MND