LA UNION — Patuloy na pinaiigting ng mga kapulisan sa Region 1 ang manhunt operations laban sa mga mga indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos Region.
Base sa Record ng Police Regional Office 1 (PRO 1), 42 na wanted persons ang naaresto sa loob ng tatlong araw na Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) mula Agosto 17 hanggang 19, 2026.
Sa 42 na ito, anim ang kabilang sa Most Wanted Persons (MWPs)—dalawa sa provincial level, isa sa city level, at tatlo sa municipal level—habang 36 na iba pang wanted persons ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng mga kapulisan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.
Sa ilalim ng Enhanced A.L.E.R.T.O. Framework ay pinatibay ng PRO 1 ang intelligence-driven at target-oriented na mga operasyon laban sa wanted persons.
Nakatuon ang mga tauhan sa pagtukoy, pagsubaybay, at agarang pag-aresto sa mga indibidwal na may kinakaharap na kaso, upang matiyak na hindi mananatiling nakatakas sa batas ang mga ito.
“Ang tagumpay ng tatlong araw na SACLEO ay bunga ng maayos na koordinasyon, masusing intelligence gathering, at mabilis na pagtugon ng ating mga kapulisan. Ipinakita ng ating mga tauhan na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, mas nagiging epektibo ang paghahanap at pag-aresto sa mga wanted person,” saad ni PBGEN Jovencio S. Badua Jr., Regional Director ng PRO 1.
Patuloy ang paninindigan ng PRO 1 na lalo pang paigtingin ang ganitong mga operasyon upang matiyak na ang mga wanted person ay maihaharap sa hukuman at mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat komunidad sa Ilocos Region. Rolando S. Gamoso