MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng District Mobile Force Battalion ng Southern Police District (DMFB-SPD) ang isang suspect sa panggagahasa na tinaguriang most wanted person (MWP) Sabado ng gabi, Oktubre 26.
Sa report na isinumite ni SPD director PBGen Bernard R. Yang kay acting National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMGen. Sidney S. Hernia ay nakilala ang inarestong suspect na si alyas Kenneth, 33.
Ayon kay Yang, nadakip sa bisa ng isinilbing warrant of arrest ang suspek dahil sa kasong rape dakong alas-9:30 ng gabi sa J.P. Rizal Street, Barangay Dela Paz, Antipolo City.
Ang warrant of arrest ay inisyu ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Bernard Pineda Bernal ng Branch 70 kaugnay sa kaso ng suspect sa ilalim ng Article 266-A na may kinalaman sa Article 266-B ng Republic Act 8353.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng tanggapan ng DMFB ang suspect habang naghihintay ng commitment order na manggagaling sa korte para sa paglipat ng kanyang piitan sa Taguig City jail. James I. Catapusan