Bulacan – Umabot na umano hanggang leeg ang baha dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat na sinabayan pa ng dambuhalang high tide sa lalawigang ito.
Sa tala, bandang 6:14 ng umaga ng Martes, Hulyo 22 ay umabot sa 4.6 feet ang high tide na sinabayan ng tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng habagat.
Dahil dito, umabot na hanggang leeg sa bandang dulo ng Brgy. Frances, habang malalim din sa Meysulao at San Miguel, Calumpit.
Nabatid na naglalaro naman mula tuhod hanggang baywang sa mga mababang lugar sa bayan ng Hagonoy, Paombong, Malolos, Guiguinto, Bulakan, Balagtas, Bocaue, Marilao, Meycauayan, Obando at iba pang lugar na tabing-ilog.
Sinasabing ang tulay sa hangganan ng Panginay Guiguinto, Balagtas ay ginamitan na ng bangka para makaraan dito at hindi na madaanan ng maliliit na sasakyan gaya ng hangganan ng Taliptip, Bulakan at Brgy. Ubihan, Meycauayan.
Kaugnay nito, maagap na sinuspinde ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong araw ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan habang ganoon din sa trabaho sa pampublikong tanggapan.
Samantala, iaasa naman sa namamahala ang pagpapasya sa suspensyon at pagpapatuloy ng trabaho sa pribadong tanggapan.
Pinalalahanan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando ang kanyang mga kalalawigan na mag-ingat at maging alerto sa kasagsagan ng masamang panahon. Dick Mirasol III