Ganito inilarawan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules ang pag-echo ng mambabatas ng Pilipinas sa posisyon ng China hinggil sa mga alitang teritoryal, lalo na sa gitna ng umiigting na tensyon sa Middle East.
Ani Lacson, may implikasyon sa ating pambansang seguridad kung ang mga pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta tungkol sa West Philippine Sea ay kahalintulad ng mga nakapaskil sa website ng Ministry of Foreign Affairs ng Tsina.
“It’s unsettling to say the least. This is national security we’re talking about. Especially delicate ang situation parang in the advent of the Iran War, parang iniisip ng marami baka mag-World War III,” aniya sa isang panayam.
“Delikado at pag nag-escalate yan at kumalat sa Pacific region kawawa naman tayo. And tayo as a very weak country militarily, huwag na natin dagdagan,” dagdag niya.
Noong Martes, ibinunyag ni Lacson sa isang privilege speech na ang mga pahayag ni Marcoleta — kabilang ang kanyang giit sa pagdinig ng Senado noong Pebrero 24 na hindi si Tomas Cloma ang nakadiskubre ng ngayon ay kilala bilang Kalayaan Island Group (KIG) — ay sumasalamin sa naratibo ng MOFA ng China.
Ayon sa website ng MOFA, hindi alam ng pamahalaan ng Pilipinas ang aktibidad ni Cloma, o pumayag dito.
Binanggit din ni Lacson na iginiit ni Marcoleta na mali siya nang sabihin niyang ang Spratly Islands ay nadiskubre at kalaunan ay inokupa at inangkin ni Cloma, batay sa prinsipyo ng terra nullius o res nullius. “It was, for him, a historical distortion,” aniya.
Isa pang pahayag ni Marcoleta na hindi umano maituturing na kaso ng terra nullius ang KIG dahil marami nang nakadiskubre rito bago ito ideklara ni Cloma bilang Freedomland noong 1956 ay kahalintulad din ng posisyon ng MOFA, na nagsasabing ang pahayag na ang KIG ay terra nullius na nadiskubre ng Pilipinas ay “groundless.” Ernie Reyes