MANILA, Philippines – Tinapos na ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang imbestigasyon laban kay Senador Rodante Marcoleta matapos mabigo ang mga awtoridad na makahanap ng ebidensya na siya ay lumabag sa batas sa halalan.
Iniimbestigahan si Marcoleta kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara ng kanyang mga campaign donor sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa halalan noong Mayo 2025.
Sa isang resolusyon, pinagtibay ng Comelec ang rekomendasyon ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) na itigil ang imbestigasyon.
Gayunman, inirekomenda ng PFAD ang pagsasampa ng kasong election offense laban sa tatlong donor ni Marcoleta—sina Michael Tan Defensor, Joseph Varias Espiritu, at Aristotle Baluyut Viray—dahil sa umano’y kabiguang magsumite ng kani-kanilang ulat ng kontribusyon sa loob ng itinakdang 30 araw matapos ang halalan.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa naging pahayag ni Marcoleta sa isang panayam sa telebisyon kung saan sinabi niyang hindi niya idineklara ang kanyang mga donor dahil sa kahilingan ng mga ito na manatiling anonymous.
Batay sa kanyang SOCE, gumastos si Marcoleta ng P139.9 milyon sa kanyang kampanya—mas mataas kaysa sa kanyang idineklarang net worth na P51,965,559 sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). RNT