MANILA, Philippines – Bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga lugar na sinalanta ng lindol sa Davao Oriental nitong Lunes at naghatid ng halos ₱298 milyon na tulong para sa mga apektadong probinsya sa Davao at Caraga Regions matapos ang malalakas na lindol noong Oktubre 10.
Ayon kay Claire Castro, tagapagsalita ng Palasyo, kabilang sa tulong ang ₱50 milyon para sa pamahalaang panlalawigan ng Davao Oriental at ₱108.3 milyon na ipamamahagi sa ilang bayan — kabilang ang ₱15 milyon bawat isa para sa Manay, Banaybanay, at Lupon, at mas mababang halaga para sa ibang lokalidad.
Magbibigay rin ang Office of the President ng ₱20 milyon sa Agusan del Sur at ₱15 milyon bawat isa sa Davao de Oro, Davao del Norte, Davao Occidental, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Islands, at Davao City.
Ayon sa Pangulo, makatatanggap pa ng karagdagang tulong ang ibang LGUs. Inanunsyo rin niyang maglalabas ng Local Government Support Fund ang Department of Budget and Management (DBM) at gagamitin ng DPWH ang Quick Response Fund para sa pagsasaayos ng mga nasirang gusali.
Sinuri ni Marcos ang mga napinsalang bahagi ng Manay National High School at Davao Oriental Provincial Hospital, at nakipagkita sa mga evacuee sa Barangay Central at Tarragona.
Namahagi naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ₱10,000 cash aid sa 35 pamilya at 255 food packs. Samantala, naglaan ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng ₱20 milyon, 150 modular housing units, at ₱50 milyong halaga ng construction materials sa ilalim ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, bahagi ito ng planong Bayanihan Village, na layuning magbigay ng “ligtas at marangal na pansamantalang tirahan” habang ginagawa ang mga permanenteng bahay.
Ang pagbisita ng Pangulo ay kasunod ng magnitude 7.4 at 6.8 na lindol na tumama sa Manay, Davao Oriental, na nagdulot ng landslide, pinsala sa mga gusali, at paglikas ng libu-libong residente. RNT