NEW DELHI, India — Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga bansang sangkot sa armadong tunggalian na iwasang atakihin ang mga barkong may sakay na Pilipinong seafarer, kasabay ng pag-aalala sa tumataas na panganib sa mga marinong Pinoy.
Sa panayam matapos ang kanyang paglahok sa 18th BRICS Summit, sinabi ni Marcos na kabilang ngayon ang Filipino seafarers sa mga direktang nalalagay sa peligro kapag inaatake ang mga tanker at iba pang commercial vessel sa conflict areas.
“Kapag inatake ‘yung isang tanker, isang barko, malamang may Pilipino doon. So the chances of a Filipino becoming a casualty, getting hurt or getting killed is very much there,” ani Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na nakikipag-ugnayan ang gobyerno sa mga bansang sangkot sa digmaan upang hilinging huwag atakihin ang mga barkong may Pilipinong crew.
“We try also to talk to the other countries na, ‘pag may Pilipino, huwag niyo nang bombahin,” ani Marcos.
Nauna nang dalawang Filipino seafarer ang nasawi matapos atakihin ang isang Saudi-flagged crude oil tanker habang dumaraan sa Strait of Hormuz noong unang bahagi ng Setyembre.
Tiniyak ni Marcos na patuloy na gumagawa ng paraan ang pamahalaan upang matulungan at maprotektahan ang mga Pilipinong seafarer na nagtatrabaho sa mga rutang apektado ng armadong tunggalian. RNT