Home NATIONWIDE Mary Jane Veloso, nakalaya na matapos ng absolute pardon

Mary Jane Veloso, nakalaya na matapos ng absolute pardon

1
0

MANDALUYONG, Philippines – Pinalaya na si dating OFW Mary Jane Veloso mula sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong ilang oras matapos ipahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nilagdaan niya ang absolute pardon para sa kanya.

Ayon sa Bureau of Corrections, natanggap nito alas-5 ng hapon mula sa Department of Justice ang release order para kay Veloso at agad itong ipinroseso.

Masayang hinarap ni Veloso ang media kasama si BuCor chief Gregorio Catapang Jr. at pinasalamatan si Marcos.

“Ito na po ‘yung araw na pinakahihintay ko,” ani Veloso habang umiiyak.

Nakulong si Veloso matapos siyang maaresto sa Indonesia noong 2010 dahil sa kasong drug trafficking matapos matagpuan ang heroin sa maleta na ipinakiusap sa kanyang dalhin.

Nakatakda sana siyang bitayin noong 2015, ngunit nakialam noon si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at nakipag-usap sa gobyerno ng Indonesia.

Noong 2024, inilipat ng Indonesia sa Pilipinas ang kustodiya kay Veloso. Kabilang sa sumalubong sa kanya ang kanyang mga abogado mula sa Migrante at National Union of People’s Lawyers. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here