Home NATIONWIDE Mary Jane Veloso, pamilya muling nagkita

Mary Jane Veloso, pamilya muling nagkita

MANILA, Philippines- Nagkita nang muli si Mary Jane Veloso at kanyang pamilya nitong Miyerkules ng umaga sa Manila matapos ang halos 15 taon nilang pagkakahiwalay.

Unang nilapitan ni Veloso, inilipat sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City pagdating sa Pilipinas, ang dalawa niyang anak na lalaki na may dalang mga bulaklak.

Kalaunan ay nakita niya ang iba niyang kapamilya, kabilang ang kanyang mga magulang na sina Cesar at Celia.

Dumating si Veloso sa Ninoy Aquino International Airport sakay ng Cebu Pacific commercial flight nitong Miyerkules ng umaga matapos ang mahigit isang dekadang pagkakaulong sa Indonesia dahil sa drug trafficking.

Sinamahan siya ng Philippine officials sa pangunguna ni Foreign Affairs undersecretary Eduardo de Vega. 

Sa CIW, inaasahang isasailalim siya sa quarantine sa unang limang araw at orientation at security evaluation para sa susunod na 55 araw bago dalhin sa regular na selda. RNT/SA