MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Mark Villar ang mas malawak na proteksyon sa mga manggagawa, pagpapahusay ng skills training at paglikha ng mga trabahong may sapat na sahod at seguridad sa gitna ng patuloy na hamon sa employment sa bansa.
Ayon kay Villar, hindi sapat na paramihin lamang ang mga trabaho kung hindi naman natitiyak ang kalidad ng mga ito at ang pangmatagalang oportunidad para sa mga manggagawa.
“Hindi sapat na makalikha lamang tayo ng maraming trabaho. Dapat nating tiyakin na ang mga ito ay dekalidad, may sapat at makatarungang sahod, at nagbibigay ng oportunidad para sa pangmatagalang pag-unlad ng sarili at ng kakayahan,” ani Villar.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 2.86 milyon ang mga Pilipinong walang trabaho noong Setyembre 2026, katumbas ng 5.4% unemployment rate, mas mataas sa 3.8% na naitala sa kaparehong buwan noong 2025.
Kaugnay nito, itinutulak ng senador ang Senate Bill No. 1272 o Kabalikat sa Hanapbuhay Act, na naglalayong bawasan ang gastos ng mahihirap na naghahanap ng trabaho sa pagkuha ng mga kinakailangang dokumento.
Isinusulong din niya ang Senate Bill No. 1641 o Barangay Skilled Workers Registry Act upang mas madaling maiugnay ang mga bihasang manggagawa sa mga oportunidad sa kanilang komunidad.
Samantala, layunin ng Senate Bill No. 649 na palakasin ang proteksyon at skills development ng mga manggagawang maaaring maapektuhan ng artificial intelligence (AI), automation at iba pang pagbabago sa digital economy.
Binigyang-diin ni Villar ang pangangailangang palakasin ang ugnayan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), mga paaralan at pribadong kumpanya upang maiangkop ang mga pagsasanay sa pangangailangan ng manufacturing, information technology, logistics at tourism sectors.
Kabilang din sa nais niyang matulungan ang mga freelancer at iba pang manggagawa sa digital economy na nangangailangan ng karagdagang pagsasanay at angkop na proteksyon sa paggawa.
Sa antas ng komunidad, sinabi ni Villar na ipagpapatuloy niya ang buwanang MARKAbuhayan Job Caravan upang mailapit ang mga oportunidad sa trabaho sa mga Pilipino.
Iginiit ng senador na dapat matiyak na ang mga manggagawa ay may sapat na kakayahan, proteksyon at oportunidad upang makasabay sa pagbabago ng mga industriya at magkaroon ng mas matatag na kabuhayan.