KATULAD rin ba kayo ng inyong Agarang Serbisyo Lady na napapaisip at naikukumpara ang buhay
noong kabataan sa kasalukuyang panahon? Ngayong araw, balikan natin ang isang panahon na
para sa iba sa atin ay parang kahapon lang, pero para sa mga kabataan ngayon ay parang
kuwento na lamang ng nakaraan.
Naalala mo pa ba noong sampung sentimos lang ang pamasahe sa jeep, noong anim na numero
lang ang kailangan mong tandaan para matawagan ang kaibigan mo, noong kailangan mo pang
maghintay ng maraming taon bago makabitan ng telepono, at noong ang bente piso sa grocery
ay pakiramdam mo ay malaki-laki na rin ang mabibili? Napakalaki na ng ipinagbago ng ating
buhay, pero ang tanong: mas maginhawa nga ba ang buhay ngayon, o mas simple at mas
masaya lamang ang buhay noon?
Mula sa pamasahe hanggang sa ating pang-araw-araw na gastusin, malaki ang naging
pagbabago sa halaga ng piso. Noon, sampung sentimos lang ang pamasahe at may mga
pagkakataon pang puwedeng makisakay nang kandong, samantalang ngayon ay labintatlong
piso na ang pinakamurang pamasahe sa jeep. Dati, nakakapag-grocery ka na kapag may bente
piso ka, at ang bigas ay hindi pa kilo kundi salop at ganta ang sukatan sa pagbili.
Ang patahi ng pantalon ay nasa limang piso lang, samantalang ang mumurahing soft drinks ay limang
sentimos, sampung sentimos kung gustong maging "sosyal" sa Coke o Pepsi. At kapag
nagkakasakit noon, hindi agad gamot ang katapat sa bahay; madalas ay Royal Tru-Orange, Soda
crackers, at ang walang-kamatayang Vicks Vaporub na tila may katapat na pahid sa halos lahat
ng karamdaman.
Malaki rin ang isinulong ng ating kultura, pananamit, at gawi sa pagkain. Sa grooming at estilo,
Tancho, 3-Flowers, o Superman Pomade lang noon ang gamit sa buhok na kailangang maayos,
plantsado, at walang gusot. Ngayon, mas malawak na ang ekspresyon ng fashion dahil tanggap
na ang tattoos, piercing, at maging ang pagiging kalbo bilang simbolo ng self-confidence at
personal identity.
Sa pagkain naman, sino ang makakalimot sa Chocnut, Tarzan Gum, at Klim na tinimpla ng ina, o
kaya ay sa taho na kailangang dalahan ng sariling baso dahil wala pang disposable plastic cups si
Manong magtataho? Ang kape noon ay tunay na barakong pinapakuluan na nagpapabangon sa
buong kapitbahayan sa bango tuwing umaga. Sa mga simpleng bagay na ito, makikita kung
paano humulma ang ating kahapon sa kung ano tayo ngayon.






