MANILA, Philippines – Lusot na sa House Committee on Welfare of Children ang substitute bill para sa “Children’s Social Media and Online Gaming Safety Act,” na naglalayong palakasin ang proteksyon ng mga bata laban sa panganib sa social media at online gaming.
Pinagsama sa substitute bill ang 41 panukalang batas, kabilang ang House Bill No. 6080 nina TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre. Priority bill din ito ng LEDAC matapos isulong ni House Speaker Faustino Dy III.
Ayon kay Acidre, hindi dapat iasa lamang sa mga magulang ang pagbabantay sa mga bata sa digital space.
Sa ilalim ng panukala, bawal gumawa o gumamit ng social media accounts at interactive online gaming features ang mga batang wala pang 13 taong gulang. Ang edad 13 hanggang 17 ay papayagan ngunit may age-appropriate protections.
Kabilang sa ipatutupad na safeguards ang pagbabawal sa pakikipag-ugnayan sa hindi kilalang adult, limits sa geolocation at targeted advertising, at pagbabawal sa livestreaming, endless scrolling at short-form video feeds. Lilimitahan din ang autoplay at intrusive notifications.
Nilinaw rin na hindi nawawala ang pananagutan ng mga digital platform kahit may pahintulot o gabay ng magulang.
Itatatag ang Office for Children’s Social Media and Digital Safety sa ilalim ng DICT, habang ang NTC ang hahawak sa mga administratibong kaso at parusa laban sa mga lalabag. Gail Mendoza