Home TOP STORIES Mas matibay ng proteksyon sa manggagawa sa gitna ng tumataas na heat...

Mas matibay ng proteksyon sa manggagawa sa gitna ng tumataas na heat index, ipinanawagan

MANILA, Philippines – Nanawagan ang TRABAHO Partylist ng agarang aksyon upang maprotektahan ang mga manggagawa kasunod ng mga babala ng mataas na heat index sa Metro Manila at iba pang rehiyon. Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaaring umabot sa 46°C ang heat index, isang antas na itinuturing na “mapanganib.”

Dahil sa seryosong banta ng matinding init gaya ng heat exhaustion, heatstroke, at paglala ng mga kondisyon sa kalusugan, hinimok ni TRABAHO Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David L. Espiritu ang mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor na magpatupad ng masusing mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa. Kabilang dito ang alternative work arrangements, pagbibigay ng sapat na tubig at lilim sa mga pahingahan, at pagpapalaganap ng kaalaman sa mga senyales ng heat-related illnesses.

Partikular na nanawagan si Atty. Espiritu sa Department of Labor and Employment (DOLE) na mahigpit na ipatupad ang Labor Advisory No. 8, serye ng 2023, na nagrerekomenda ng mga hakbang upang maiwasan ang heat stress. Kabilang dito ang pagbabawas ng matinding init na nararanasan ng mga empleyado sa pamamagitan ng sapat na bentilasyon at heat insulation sa mga lugar ng trabaho, pati na rin ang pagsasaayos ng kanilang mga pahinga o lokasyon ng trabaho. Inaatas din ng advisory na pahintulutan ang mga manggagawa na gumamit ng angkop na uniporme at personal protective equipment batay sa temperatura, at tiyaking may libre at sapat na inuming tubig para sa kanila.

Dagdag pa rito, nanawagan si Atty. Espiritu sa DOLE na iayon ang occupational safety and health standards indicator sa labor compliance checklist upang partikular na matiyak ang wastong bentilasyon kaugnay ng mataas na heat index.

Ayon kay Atty. Espiritu, mahalagang maipatupad ang mga hakbang na ito upang maiwasan ang negatibong epekto ng matinding init sa kalusugan at produktibidad ng mga manggagawa. Binigyang-diin niya na ang panawagan ng kanilang grupo ay nagpapakita ng kahalagahan ng maagap na aksyon upang maprotektahan ang sektor ng paggawa sa banta ng patuloy na pagtaas ng temperatura.

Bukod sa agarang proteksyon, isinusulong din ng TRABAHO Partylist ang mas matibay na benepisyong medikal at health insurance para sa mga manggagawa. Kabilang dito ang access sa preventive care, regular na health screenings, at malawak na coverage para sa mga sakit na dulot ng matinding init. Iginiit ni Atty. Espiritu na mahalaga ang mga ito upang mabawasan ang gastusin sa pagpapagamot at matiyak ang agarang medikal na atensyon sa mga apektadong manggagawa.

Sa pagtugon sa mga hamong dulot ng matinding init, layunin ng TRABAHO Partylist na isulong ang mas ligtas at patas na kapaligiran sa trabaho para sa lahat, pagtatapos ni Atty. Espiritu. RNT