Home OPINION ‘MASS GRAVES’ SA BILIBID?

‘MASS GRAVES’ SA BILIBID?

223
0

NAKAGUGULANTANG ang nabunyag na mga sikreto sa
New Bilibid Prison, nagbunsod ng matinding pag-aalala
kung ano ang gagawin ng gobyerno sa ganitong
sitwasyon.

Ang pagkadiskubre ng mga “kalansay ng tao” sa isang
septic tank sa piitan ay lumikha ng mga nakababahalang
katanungan tungkol sa posibilidad na mayroong ‘mass
graves’ sa loob ng pasilidad.

Ang pagkumpirma mismo ni Justice Secretary Boying
Remulla sa natuklasang ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahang magsagawa kaagad ng masusing imbestigasyon.

Nagpalala pa sa sitwasyon ang napaulat na pagkawala ng
bilanggong si Michael Angelo Cataroja sa kalagitnaan ng
buwang ito, samahan pa ng kuwento mula sa mga
matatagal ng bilanggo tungkol sa mga potensiyal pang
mass graves. Ang ganitong alegasyon ay dapat na
sineseryoso at kinakailangang mabilisang aksyunan.

Dapat na akuin ng gobyerno ang responsibilidad sa
insidente at tugunan ang isyu sa masusi at tapat na
paraan. Ang pakikipagtulungan sa mga eksperto mula sa
University of the Philippines ay tamang hakbangin.

Gayunman, dapat na ‘independent body’ ang mangasiwa
sa proseso upang masigurong patas ang ginagawang
pag-iimbestiga.

Hindi naman dapat balewalain ang kaligtasan at
karapatang pantao sa piitan, pero kailangang may
managot sa nakaaalarmang insidenteng ito.
Sapat nang matindi ang pinagdaanan ng NBP sa ilalim ng
pangangasiwa ng dating hepe ng Bureau of Corrections
na si Gerald Bantag, na tinutugis ngayon sa kasong
pagpatay sa radio commentator na si Percy Lapid.

Teka nga pala, dahil hindi kailanman lumantad ang kapwa
akusado at dating tauhan ni Bantag na si Senior
Superintendent Ricardo S. Zulueta simula nang
imbestigahan ang pamamaslang kay Lapid sa tulong ng

ilang nasa NBP, marahil pupwede na ring simulang
galugarin ng mga naghahanap kay Zulueta ang mga
“libingan” sa bakuran ng piitan.

Tutukan ang kaligtasan sa karagatan

Ang nakapanlulumong pagkamatay ng 27 na pasahero ng
isang motorbanca na lumubog noong nakaraang linggo
malapit sa Talim Island sa Rizal ay isa pang pangyayaring
nakababahala. Seryosong inusisa ng social media
commenter na si Ed Tanabe Pangilinan ang Philippine
Coast Guard kung ang pagpupursige raw ba ng ahensiya
sa rescue operations ay kasing tindi nang pagsisikap
nitong maiwasan ang mga trahedya sa laot.

Paniwala ni Pangilinan, naiwasan sana ang trahedyang ito
kung seryosong ipinatutupad ng PCG ang mga regulasyon
at kung tama ang pag-iisyu nito ng clearance. Hindi
lamang sila nakatali sa search and rescue; responsibilidad
din ng ahensiya ang iwasan ang mga aksidente at
proteksiyunan at magbigay-serbisyo sa mga pasahero.

Tama lang ang pagsuspinde ng Maritime Industry
Authority sa safety certificate ng motorbanca, pero hindi
nito inaabsuwelto sa pananagutan ang mga responsable.
Hindi lamang ang PCG ang ahensiyang dapat na managot
sa pagsisiguro ng kaligtasan sa biyahe sa karagatan kundi
maging ang Philippine National Police at ang MARINA.

Nabigyang-diin sa nangyari ang pangangailangan sa
pinag-ibayong seguridad at mas istriktong
implementasyon ng safety protocols, lalo na sa maliliit na
pantalan na delikado sa parehong panganib. Ang
pagkawala ng mga buhay ay nangangailangan ng
kumprehensibong imbestigasyon sa marine safety at ng
transparent na prosesong administratibo para naman sa
may-ari ng bangka.

Bilang taxpayers, inaasahan nating matatauhan na ang
PCG at ang iba pang katulad na mga ahensiya sa
pagtalima sa kanilang mandato, gagawin laging
prayoridad ang kaligtasan ng publiko, at iiwasang maulit
muli ang makadurog-pusong trahedyang ito.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon,
mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa
@Side_View.

Previous articlePASASALAMAT SA PANGULO
Next articleLPG may higit P4 taas-presyo ngayong Agosto!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here